Grace Lee, naging instant celebrity sa Korea
Matapos lumabas ang pag-amin na nagde-date sila ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, biglang tumaas daw ang interes ng mga tao sa Korea tungkol sa Kapuso host na si Grace Lee. Sa ulat ni showbiz reporter Nelson Canlas sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Miyerkules, sinabi nito na isang Korean TV crew ang sumubaybay kay Grace mula sa studio ng GMA 7 hanggang sa pictorial na pinuntahan ng Kapuso host. Ayon kay Jessica Oh, tv producer mula sa Korea, biglang nagkaroon ng malaking interes ang kanyang mga kababayan sa pagkatao ni Grace matapos mapabalita na nililigawan ito ng pangulo ng Pilipinas. Dahil dito, nais umano nila na maipakilala sa kanilang kababayan si Grace bilang isang tao at hindi lang basta love interest ng pangulo. “First it’s a big issue in Korea and she’s getting really known in Korea. But we want to let Korea known who she really is as a person, not just because she’s dating the president," ayon kay Jessica. Kapwa Korean ang mga magulang ni Grace at isinilang siya sa South Korea. Gayunman, 10-taong-gulang lang si Grace nang lumipat sila sa Pilipinas dahil nandito ang negosyo ng kanyang mga magulang. Samantala, sa kaarawan ni Aquino nitong Miyerkules, nagbigay ng birthday wish si Grace para sa pangulo. “My birthday wish is he may continue to maintain the kind of love that he has been receiving from his people, as it is very very important to him and he is very much aware of that," anang magandang TV host. Sinabi ni Grace na ang suporta ng mga tao ang nagsisilbing lakas umano ni Aquino sa pagganap nito sa tungkulin bilang lider ng bansa. -- FRJImenez, GMA News