Judy Ann Santos, sasabak na rin sa indie film
Excited at kabado raw si Judy Ann Santos sa unang pagsabak niya sa isang independent movie na ipalalabas sa Cinemalaya. Sa Star Bites ng Balitanghali ng GMA News TV nitong Miyerkules, sinabi ni Juday na mapili na siya sa pagtanggap ng proyekto dahil na rin sa kanyang pagtutok sa dalawa nilang anak ni Ryan Agoncillo. Pero kakaiba raw ang istorya at karakter na gagampanan niya sa pelikulang Mga Mumunting Lihim, kaya siya napapayag na mapabilang sa cast nito. “Iba siya sa iba pang movies na ginawa ko… hindi naman dark pero may misteryo yung character niya," paliwanag ni Judy Ann kay showbiz reporter Nelson Canlas. Tinawag ni Judy Ann na out-of-the-box ang kanyang karakter sa pelikula na inilarawan niya na kombinasyon ng happy and sad movie. At kahit subok na sa pag-arte, kabado pa rin daw ang aktres dahil ang naturang pelikula ay isasabak sa Cinemalaya festival kung saan mas matindi umano ang pagpuna ng mga tao. -- FRJimenez, GMA News