TV host Winnie Monsod, umaming naging biktima ng child abuse
Ipinagtapat ng Kapuso television host na si Winnie Monsod na siya man ay naging biktima ng pang-aabuso noong kabataan niya na kagagawan ng isang lalaki na kanyang pinagkatiwalaan. Sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, iniulat na ginawa ni Monsod, propesora at ekonomista, ang pagtatapat sa kanyang programa sa GMA News TV na Bawal Ang Pasaway kay Mareng Winnie. Sa naturang programa, tinalakay ang maselang paksa tungkol sa child abuse. Sinabi sa ulat na maraming kababaihan na dumanas ng sekswal na pang-aabuso – bata man o matanda – ang hindi nagsusumbong dahil sa iniisip nila ang kahihiyan at takot. Ayon kay Monsod, naganap ang pang-aabuso sa kanya noong 12-anyos pa lamang siya. Ang salarin ay isang lalaki na bumisita sa kanila at nakisakay nang pauwi na sila galing sa isang pagtitipon. Kwento ng palabang TV host, nag-alok ang lalaki na kandungin siya. Pumayag naman siya at nang nakakandong na siya sa lalaki ay hinawakan na umano nito ang maselang bahagi ng kanyang katawan. Tulad ng iba, sinabi ni Monsod na natakot siya at hindi alam ang gagawin. Gayunman, nalaman ito ng kanyang mga magulang at sinuportahan siya kaya nalampasan niya ang naturang pangyayari. Iginiit ng TV host na malaki ang magagawa ng suporta ng mga magulang at dapat ipaalam sa mga biktima na hindi nila kasalanan ang mangyari sa kanila. Bukod dito, nag-iwan din ng matinding payo si Monsod tungkol sa natutunan niya sa kanyang naging karanasan: “Not all adult should be respected, not all adult should be obeyed. That a child no matter how young must use their mind." - FRJ, GMA News