Aljur Abrenica, may bagong kinahihiligan
May bagong kinahihiligan ang Kapuso hunk na si Aljur Abrenica – ang target shooting. Bata pa lang daw ay hilig na ito ng aktor pero ngayon lang siya pinayagan ng kanyang ama. Sa ulat ni showbiz reporter Aubrey Carampel, sinabing nagawang pagsabayin ni Aljur ang kanyang bagong sport at pagtulong sa mga kapos-palad na kabataan sa pamamagitan ng pagdaraos ng fun-shoot fest sa Pilar, Bataan. Ang kinita sa naturang kompetisyon ay ipinagkaloob ni Aljur sa lokal na pamahalaan ng Pilar na gagamitin naman sa mga programa at proyekto para sa mga mahihirap na kabataan sa lungsod. “Hilig ko po talaga. Bata pa lang po ako hilig ko na po talagang pumutok. Ngayon lang po akong pinayagan ng tatay ko," pagtatapat ni Aljur sa Chika Minute ng GMA News 24 Oras nitong Martes. Ang naturang charity shoot fest ay bahagi ng selebrasyon ng kaarawan ng aktor sa darating na Marso 24. Lubos naman ang pasasalamat ni Pilar Mayor Carlos Pizzarro Jr., sa tulong na ibinibigay ng kanyang kaibigang aktor para sa pagtulong sa kanilang kababayan. Samantala, mahigpit naman ang paalala ni Aljur sa mga nahilig sa target shooting at mga gun owner na huwag kalimutan ang disiplina at responsibilidad sa paghawak at paggamit ng baril. -- FRJ/KG, GMA News