Filtered By: Showbiz
Showbiz

Erap, iba pang taga-showbiz industry, suportado na gawing national artist si Nora Aunor


Nagpahayag ng suporta si dating Pangulong Joseph Estrada at iba pang haligi ng showbiz industry na ideklarang Pambansang Alagad ng Sining ng bansa ang tinaguriang “Superstar" na si Nora Aunor. Sa panayam ni showbiz reporter Cata Tibayan, sinabi ni German “Kuya Germs" Moreno, na karapat-dapat na maging national artist ang kanyang kaibigang si Ate Guy, palayaw ni Nora, o Maria Leonora Teresa Cabaltera Aunor sa tunay na buhay. "Deserving naman siya matagal na… dahil mayroon namang pinatunayan na ang isang Nora Aunor," pahayag ni Kuya Germs sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Martes. Sinabi sa ulat na mahigit 100 parangal na mula sa loob at labas ng bansa ang natanggap ni Nora dahil sa kanyang mga pagganap sa iba’t ibang pelikula. Ilan sa mga pelikulang ginawa ni Nora na binigyan ng pagkilala sa loob at labas ng bansa ay ang Himala, Minsan May Isang Gamu-gamo, Bona, at Flor Contemplacion Story. Sinabi naman ni Estrada na nararapat kay Nora na maging nationalist artist dahil sa pagiging mahusay nitong aktres at kauna-unahang tinawag na superstar. Ngunit bukod sa pagiging mahusay na artista, binigyan-diin ni dating Miss Universe Gloria Diaz ang husay din sa pag-awit ni Nora. Maging ang batikang aktres na si Boots Anson-Roa at Chairman na si Grace Poe-Llamanzares ng Movie and Television Review and Classification Board, ay umaasang makapapasa at magiging national artist si Nora. Una rito, naghain ng resolusyon si Bacolod City Rep. Anthony Golez Jr., na humihiling kay Pangulong Benigno Aquino III, at sa pamunuan ng Cultural Center of the Philippines at sa National Commission for Culture and the Arts, na isama si Nora sa listahan ng national artist ng bansa. Iginiit ni Golez na nakamit ni Nora ang mga rekisito na itinakda ng pamahalaan para maging isang pambansang alagad ng bansa. Maituturing na umanong “national treasure" at bahagi ng kultura ng bansa ang aktres. “The Filipino people is now entangled with so many public issues like the seemingly uncontrollable rise of prices of fuel and commodities but we should not lose hope. There are a lot of things going for our country and the enshrinement of Ms. Nora Aunor as a National Artist is a sure feel good thing that the Filipinos can hold on to," ayon sa kongresista. - FRJimenez, GMA News
LOADING CONTENT