Filtered By: Showbiz
Showbiz

Nora-Vilma rivalry, abot hanggang sa isyu ng pagiging national artist


Matapos may magmungkahi sa Kamara de Representantes na gawing national artist ang tinaguriang “Superstar" na si Nora Aunor, isa namang kongresista ang nagpahayag na hindi dapat maiwan sa naturang parangal ang kinikilalang “Star for All Season" na si Batangas governor Vilma Santos-Recto. Sa panayam ng media nitong Miyerkules, sinabi ni House Deputy Speaker Rep. Lorenzo Tañada III (Quezon), na katulad ni Nora, karapat-dapat ding igawad kay Vilma ang prestihiyong pagkilala bilang National Artist of the Philippines. Katulad ni Ate Guy, palayaw ni Nora, malaki rin umano ang naging kontribusyon ni Vilma sa industriya ng showbiz sa bansa. (Basahin: Erap, iba pang taga-showbiz industry, suportado na gawing national artist si Nora Aunor) “We cannot separate those two. Where there is Nora, there should also be Vilma because they grew up practically at the same time. I think both deserve such recognition," pahayag ni Tanada, tagapagsalita ng Liberal Party. Bagaman magkaibigan, naging mahigpit na magkalaban sa takilya ang mga pelikulang ginawa noon nina Vilma at Nora. Una rito, naghain ng resolusyon sa Kamara si Bacolod City Rep. Anthony Golez, upang hilingin kina Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, sa pamunuan ng Cultural Center of the Philippines (CCP), at sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA), na ideklarang national artist si Aunor. Ngunit bago si Nora, nauna nang inirekomenda ni Sen Manny Villar noong 2010 na gawing national artist ang “Comedy King" na si Dolphy, na sinasabing may karamdaman na ngayon. Hindi man nakamit ni Dolphy ang titulong Pambasang Alagad ng Sining, iginawad naman sa kanya ni Pangulong Aquino noong 2010 ang Grand Collar of the Order of the Golden Heart - ang pinakamataas na parangal na ibinibigay sa sibilyan. Ilang sektor naman ang pumuna kung bakit unang inirekomenda na gawing national artist si Nora kaysa sa mga senior na artista gaya nina Dolphy at maging si Gloria Romero. Sa kabila ng mga kritisismo, nanindigan si Golez na panahon na para igawad kay Nora ang naturang parangal dahil na rin sa dami ng karangalan na ibinigay niya sa bansa sa larangan ng pag-arte. Ipinaliwanag naman ni Tanada na: “I do not want to say that we are bypassing the senior actors but I believe that their contribution to the entertainment industry is enough." Sinabi naman ni AGHAM party-list Rep. Angelo Palmones, handa siyang maging co-author ng resolusyon ni Golez para suportahan ang pagdeklara kay Nora na gawing national artist. - RP/FRJ, GMA News
LOADING CONTENT