Richard Gutierrez, itinangging nahuli siya sa SLEX dahil sa overspeeding
Pinabulaanan ng Kapuso leading man na si Richard Gutierrez ang napabalita sa isang news website na nasita ito sa South Luzon Expressway (SLEX) nitong Miyerkules ng umaga dahil sa overspeeding. Sa taped interview na lumabas sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Miyerkules ng gabi, sinabi ni Richard na imposibleng mahuli siya sa SLEX sa oras na binanggit sa news website at maging sa radyo dahil nasa Nasugbu, Batangas na siya nang mga sandaling iyon. “It’s impossible na nasa SLEX ako ng 9 A.m. dahil nga nasa Nasugbu na ako by that time. And I wasn’t driving any car, I’m riding my van for work," paliwanag ng aktor. Nasa Batangas si Richard para sa taping ng kanyang bagong primetime series na Makapiling Kang Muli. Batay sa lumabas na ulat, nasita raw si Richard habang minamaneho ang isang pulang Chevy sports car. Pero ayon sa aktor, isang itim na SUV ang gamit niya sa pagpunta sa trabaho na napag-alaman na black Savana van.-- FRJ, GMA News