Musika at kulturang Pinoy, ibibida ni apl.de.ap sa isang concert sa L.A.
Magsasama-sama sa isang concert stage sa Los Angeles ang Pinoy Black Eyed Peas member na si apl.de.ap at iba pang bigating Pinoy artists sa July 8. Ang naturang concert ay may titulong "apl.de.ap Takes You To The Philippines," ayon sa Chika Minute ng GMA News 24 Oras nitong Martes. Sa naturang konsiyerto ay ibibida umano ni apl.de.ap ang musika at kulturang Pinoy. Ilan sa mga kasama ni apl.de.ap sa concert ay sina Ogie Alcasid, Martin Nievera, at bandang Sandwich. Kasama rin ang mga Black Eyed Peas members na sina will.i.am at Taboo, at dating Pussycat Dolls member na si Nicole Scherzinger. Ang mga may dugong Pinoy na sina Lou Diamond Phillips at Vanessa Anne Hudgens naman ang magiging host sa naturang concert na gagawin sa Hollywood Bowl sa July 8. - FRJ, GMA News