ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Tito, Vic and Joey, at dabarkads ng Eat Bulaga!, nagbigay-pugay kay Dolphy


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Gaya ng maraming Pilipino, nagluluksa rin ang mga dabarkads ng Eat Bulaga! dahil sa pagpanaw ng tinaguriang Comedy King na si Dolphy. Sa pangunguna ni Vic Sotto, nag-alay nitong Miyerkules ng taimtim na panalangin ang buong grupo ng noontime show na minsan na ring nagbigay ng tribute sa batikang komedyante noong nabubuhay pa. "Ang buong dabarkads ng Eat Bulaga ay nakikiramay sa pamilya at sa mga mahal sa buhay ng nag-iisang Comedy King Dolphy. Let's have a moment of silence and pray for the eternal repose of his soul," halos nanginginig na pahayag ni Vic. "Kay Dolphy, sa bawat Pilipinong napatawa mo mananatiling buhay ang iyong alaala. Ang mga pelikula at programa na iniwan mo sa amin ay patuloy na magiging kayamanan ng industriya. Maraming salamat. Baunin mo ang aming panalangin, pagmamahal at paghanga sa iyo. Sabay-sabay nating balikan ang ilan sa masasayang alaalang iniwan sa atin ni Comedy King Dolphy. I love you," dagdag niya. Isa si Vic sa huling nakatrabaho sa pelikula ni Dolphy na Dobol Trobol noong 2008. Itinuturing ni Vic, kinikilalang “Prince of Comedy", na malaking karangalan para sa kanya na makatrabaho ang kanyang iniidolong Dolphy. Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong, inihayag ni Sen. Tito Sotto na hindi pa man nabubuo noon ang tambalan nila nina Vic at Joey ay nakakasama na nila si Dolphy. Ikinuwento naman ni Joey ang hilig ni Dolphy sa larong poker kasama ang pumanaw na ring si Panchito. Para sa tatlo, walang kapantay sa husay sa kanyang sining ang tinaguriang Comedy King. Pumanaw si Dolphy nitong Martes ng gabi sa Makati Medical Center sa edad na 83. – FRJ, GMA News