Amalia Fuentes, dismayado kay Annabelle Rama
Dahil daw sa sakit, hindi nakadalo ang talent manager na si Annabelle Rama sa pagdinig ng libel case na isinampa sa kanya ng dating aktres na si Amalia Fuentes sa piskalya sa Quezon City. Dahil dito, muling itinakda sa Hulyo 25 ang naudlot na pagdinig. Sa naturang petsa, kailangang magpakita ng medical certificate ang talent manager para ipaliwanag nito ang kanyang naging sakit. Sa ulat ni Aubrey Carampel sa Balitanghali, sinabing 3:00 p.m. nitong Miyerkules nang makita pa ng television crew si Annabelle na pumasok sa lugar kung saan nakatandang dinggin ang 11 kaso ng libel na isinampa sa kanya ni Amalia. Subalit tanging ang abogado lamang ni Annabelle ang nagpakita sa opisina ni Q.C. prosecutor Mellissa Oco-Diktado na siyang may hawak sa reklamo. Kaya naman hindi naitanggi ni Amalia ang pagkadismaya na dumalo kasama ang kanyang abogado. "Siya talaga na ang important ngayon [dahil] susumpaan niya ang kanyang reply affidavit sa harap ng piskal. I can be here but I don't have to be here but I don't want na naman na tutuyain niya ako," ayon kay Amalia. Pinuna naman ng abogado ni Amalia na si Atty. Jaeremmy Rosario ang kahilingan ng abogado ni Annabelle na huwag pagharapin ang kanilang mga kliyente. "You know it's funny because the council for the respondent [Annabelle] is insisting that for the next hearing I appear alone without the client because ayaw niya na magharap 'yong mga klieyente namin for some reason," ayon kay Rosario. "But of course we told him, that the right of our client [Amalia] to face the respondent," pagdiin niya. Sakaling hindi pa rin sumipot si Annabelle sa susunod na pagdinig, posible na umanong i-wave ng piskal ang karapatang ng talent manager na magsumite ng kanyang counter affidavit. - Mac Macapendeg/ FRJ, GMA News