ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Bakit tumanggi si Jose Manalo sa kissing scene nila ni Solenn Heussaff?


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Bakit nga ba pinatanggal ni Jose Manalo ang kissing scene nila ni Solenn Heussaff, na leading lady niya sa bago nilang movie ni Wally Bayola? Sa ulat ni showbiz reporter Lhar Santiago sa Chika Minute ng 24 Oras nitong Miyerkules, sinabing hindi raw napigilan nina Jose at Wally na ma-starstruck sa malalaking artista na nag-guest sa kanilang pelikula na Ikaw Na, The Best Ka. Ilan sa mga big stars na ito ay sina Vic Sotto, Eddie Garcia, Maricel Soriano, Michael V. at mga dabarkads ng Eat Bulaga. Nang makita umano ng dalawa si Maricel, sinabi ni Jose na hindi nila malaman kung papaano nila lalapitan at haharapin ang batikang aktres. Inamin din ni Jose na nakaramdam siya ng hiya at hindi siya makaarte nang makaharap na ang maganda at seksing Kapuso star na si Solenn, na leading lady niya sa movie. At nang malaman na may kissing scene sila ni Solenn sa pelikula, mismong si Jose na raw ang tumanggi. “Meron talaga pero sabi ko ‘wag na lang… next time," biro ng komedyante at Eat Bulaga host. “Hindi parang hindi ko ano… na gumagawa ka ng komedi tapos may ganun (halikan)," dagdag niyang paliwanag. Bukod sa Ikaw Na, The Best Ka, kasama rin si Jose sa film fest movie na Si Agimat, Si Enteng Kabisote At Si Me, na pinagbibidahan nina Vic Sotto, Sen. Bong Revilla at Judy Ann Santos. -- FRJimenez, GMA News