Julie Anne San Jose at Elmo Magalona, magso-shoot ng romantic music video sa San Francisco
Magkasamang dumating sina Julie Anne San Jose at Elmo Magalona sa Los Angeles, California noong Linggo ng gabi para sa guesting nila sa US show ng "Manny Many Prizes" na pangungunahan ni Pinoy boxing icon Manny Pacquiao. Gaganapin ang Hollywood show ng Manny Many Prizes sa Gibson Theater, Universal Studios sa Setyembre 16. Maliban sa kanilang guesting, maagang tumungo ng Amerika sina Julie Anne at Elmo para mag-shoot ng isang romantic music video na kabilang sa album ng dalaga. "Hindi lang kami sa LA, eh. Pupunta rin kaming San Francisco kasi doon iso-shoot ‘yong next music video ko," ayon kay Julie Anne. Ang naturang music video ay ididirek umano ni Mark Reyes. Ayon sa ulat ni Lhar Santiago sa Chika Minute ng 24 Oras nitong Martes, excited na ang dalawa na maglibot. Malamang na hindi raw sila maghiwalay dahil pareho nilang first time na pupunta sa LA. "Everything about States is super exciting because it's our first time [here] so, we'll get to experience it together. We're gonna try and shop for stuff and we're gonna look around together and travel," pahayag ni Elmo. "Sobrang excited kami na makita yong mga kapwa naming kababayan, diba? And I think this is gonna be a wonderful experience together kasi first time nga naming," ayon naman kay Julie Anne. Inimbitahan din ng dalawa ang kanilang mga tagasuporta na manood ng Manny Many Prizes sa Hollywood. "Sa lahat po ng mga fans namin, sa lahat po nang sumusuporta sa amin, thank you, thank you so much, and we hope to see you guys there sa Universal Studios po, thank you again," pahayag ni Julie Anne. Mahigit isang linggo mananatili ang dalawa sa Amerika at inaayos na rin ang kanilang grand fans day sa LA. - Mac Macapendeg/FRJ, GMA News