ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Concert ng American Idol finalists, asahan daw na magiging masaya, memorable


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Handa na raw ang mga American Idol Season 11 Top 10 finalists na kinabibilangan ni Jessica Sanchez na magtanghal para sa kanilang Pinoy fans sa darating na Biyernes sa Smart Araneta Coliseum. "This is our first and last time to do overseas on the show [AI World tour], this is the last show, so we're really excited that we'd get to be together one last time and even more excited that we're in the Philippines celebrating that. So it's gonna be a lot of fun," ayon kay Colton Dixon. Sa panayam nina Howie Severino at Kara David sa News To Go, inihayag ng mga dating AI finalist na magiging masaya at maganda ang gagawing nilang pagtatanghal sa bansa. "We are really excited to be in the Philippines and I think, we've all agreed that this is going to be one of the most memorable places [on our tour]," ayon kay Hollie Cavanaugh. Dahil unang pagkakataon sa bansa ng dugong Pinoy na si Jessica, sinabi nito na pinag-aaralan na niya ang kultura ng mga Pinoy habang narito sa bansa. Excited daw ang dalaga at maging ang mga kasamang AI finalists na malaman ang kultura at pagkaing Pilipino. Ipinaalam ni Jessica na mahilig siya sa pagkaing Pinoy kagaya ng sinigang at lumpia. Katunayan, ipinatikim na raw niya ang mga ito sa kanyang mga kasama. Next Miss Saigon? Samantala, nilinaw naman ni Jessica ang mga balitang siya na ang gaganap sa Broadway Musical show na Miss Saigon. Bagaman isang karangalan daw ang mapabilang sa nasabing musical show, rumors pa lamang daw ito at wala pang kumpirmasyon sa kanyang manager. Mas matagal naman na mananatili sa bansa si Jessica para sa kanyang mga endorsement. Ibinalita naman ng AI winner na si Phillip Phillips na magiging busy siya pagkatapos ng kanilang concert tour. Bukod sa concert tour, gumagawa din umano ngayon si Phillip ng kanyang album at nagsusulat ng mga kanta. Maging si Colton ay gumagawa rin umano ng Christian album na maaaring ilabas sa Enero o Pebrero ng susunod na taon. Samantala, ang kanyang single na "Drops" ay lalabas naman daw ngayong Oktubre 19, na itinaon sa kanyang kaarawan. - Mac Macapendeg/FRJ, GMA News