ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
Kapuso tween stars, nag-judge sa cheer dance competition
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Malakas na tilian ang sumalubong sa mga Tween stars na sina Barbie Forteza, Joyce Ching, at Ken Chan nang dumating sila sa isang mall sa San Jose Del Monte, Bulacan bilang judge sa ginanap na San Jose New Cheer dance competition.
"Masaya at saka hindi lang sila nandoon para sa amin, talagang to support yong mga school nila. Talagang full support yong bawat grupo kaya nakakatuwa," kwento ni Barbie sa ulat ni Lhar Santiago sa Chika Minute ng 24 Oras noong Miyerkules.
Gayunpaman, hindi naging madali para sa tween stars ang pagpili ng panalo dahil naging mainit ang labanan ng mga estudyanteng lumahok sa nasabing kompetisyon.
Kaya naman talagang naging maingat ang mga ito sa paghatol lalo na't ipinaubaya sa kanila ng mga organizer ng kompetisyon ang pagpili ng panalo at pati na rin ang pagtulong sa pag-abot ng award sa mga nagwagi.
Wika pa ni Barbie, "Kaya nakakatuwa kasi parang talagang pinag-effortan nila. As in puro practice ang ginagawa nila."
Ayon naman kay Ken, alam daw niya ang nararamdaman ng mga kalahok dahil tulad nila, nagkaroon din siya ng mga cheer dance kompetisyon sa kanyang paaralan.
Aniya, "Galing din po kami sa mga ganong type ng school. May mga cheering competition din so sobrang na-miss namin yong ganong eksena."
Samantala, sa susunod na linggo ay haharapin na nila Barbie at Joyce ang taping para sa kanilang bagong soap sa GMA-7 na "Mariposa."
Nagagalak daw si Barbie lalo na tuwing naiisip niya ang pagkakaroon ng pakpak na tulad ng sa isang paru-paro.
Maliban dito, isa sa mga kwento ng palabas ay pipilitin ni Joyce na agawin kay Barbie ang leading man niyang si Derrick Monasterio. Kaya naman magkakaroon ng mga eksena kung saan mag-aaway ang dalawang tween stars.
Diin pa ni Joyce, "Ako po, natutuwa ako na siya [Barbie] yong inaapi ko bilang alam namin na walang taniman ng galit [sa aming dalawa], walang masama yong loob after."
"Basta yong sa amin pong dalawa ni Joyce wala lang po talaga yon. As in magkaibigan na magkaibigan po kami ni Joyce," dagdag ni Barbie. — Mac Macapendeg/RSJ, GMA News
More Videos
Most Popular