Protégés na sila Elle Ramirez at Jeric Gonzales, napiling manok ng judges
Kabado na ang Top 6 finalists ng Protégé: Battle for the Big Artista Break ng GMA-7 kaugnay sa papalapit na grand gala night kung saan tatanghalin na ang lalaki at babaeng grand winners. Sa ulat ni Lhar Santiago sa Balitanghali nitong Martes, ang pagpili ng mananalo ay batay sa pinagsamang boto ng hurado at text votes ng mga manonood. Samantala, masaya ang dalawang Protégés na sina Elle Ramirez at Jeric Gonzales dahil sila ang napili ng judges na kanilang manok sa kompetisyon sa nakaraang gala night. "Siyemre sobrang masaya po kasi sobrang nag-effort po ako doon sa performance ko kasi kakaiba nga po, and live monologue siya so malaking challenge po," wika ni Elle. "Hindi ko ini-expect talaga. Actually nashock nga po ako nong sinabi yon, hindi ako masyadong nakapagsalita. Kasi first [ko] po talagang makatanggap ng comments ng ganon," ayon naman kay Jeric. Masaya rin ang dalawang female Protégés na sina Thea Tolentino at Sandra Summer sa pagpuri sa huling performance ng kasamahan nilang si Elle. "Kaming tatlo kumbaga, kahit anong mangyari, we would still support for each other, ganon. So, walang insecuran ganon, masaya nga kami para sa kanya [Elle]," ayon kay Sandra. Dagdag naman ni Thea, "At saka hindi naman po namin iniisip na kailangan maghilaan kami pababa. Talagang inuuna namin ‘yong friendship naming. Pero kahit papaano nandoon pa rin ‘yong fighting spirit." Pati rin ang Protégé boys na sina Ruru Madrid at Mikoy Morales ay bilib sa kakaibang performance na ipinamalas ng kasama nilang si Jeric. "Okay lang po yon kasi alam ko naman talaga na si Jeric, binigay niya po yong best niya doon and kami rin naman po, binigay po namin yong best naming," pahayag ni Ruru. "Sa competition side, it was a big threat pero personally, ang galing naman kasi talaga ng ginawa ni Jeric, eh. Ang galing naman talaga," pagpuri naman ni Mikoy. Pagkatapos ng grand gala night sa Linggo, sasabak na sa totohanang buhay showbiz ang Top 6. Naniniwala naman sila na kaya nilang tahakin ang buhay artista dahil sa magandang training na ibinigay sa kanila sa Protégé. - Mac Macapendeg/FRJ, GMA News