Rhian Ramos, sinurpresa ng kanyang fans; fan site ng aktres, inilunsad sa birthday party
Matapos maghandog ng kasiyahan sa mga batang maysakit, ang mga fans naman ang nakasama ng Kapuso actress na si Rhian Ramos na nagdiwang ng kanyang kaarawan kamakailan. Sa ulat ni Luane Dy sa Balitanghali nitong Martes, sinabing sinurpresa ang aktres ng kanyang mga tagahanga na may regalong cake at ilan pang personalized items. Maliban dito, inilunsad din ang fan site ni Rhian sa nasabing birthday party. Ayon naman ng aktres, blessed daw siya dahil sa patuloy at walang sawang pagsuporta ng kanyang mga tagahanga. Dagdag pa niya, masaya ang kanyang love life bagamat hindi pa rin ito tuwirang umaamin tungkol sa tunay na namamagitan sa kanila ng TV host na si KC Montero. "Kumportable naman kasi akong pag-usapan. Ganon pa rin naman, well, walang nagbago, parang I don't feel the need to change anything kasi parang masayang-masaya ako the way everything is," paliwanag ng aktres. - Mac Macapendeg/FRJ, GMA News