ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Zsa Zsa Padilla, maagang dadalaw sa puntod ni Dolphy


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Lilipad patungong Hong Kong sa disperas ng Undas si Zsa Zsa Padilla kasama ang kaibigang si Kris Aquino kaya maaga itong dadalaw sa puntod ng namayapa niyang life partner na si Dolphy. Sa ulat ni Lhar Santiago sa Chika Minute ng 24 Oras nitong Miyerkules, sinabing sa Oktubre 30 magtutungo ng sementeryo si Zsa Zsa. Pero mag-iiwan naman daw siya ng mga bilin sa kanyang mga anak para sa pag-alaala sa namayapang comedy king. Si Kris umano ang nag-imbita kay Zsa Zsa na magpunta sa Hong Kong. “Sabi ko (kay Kris) ang hirap talagang pumunta ng Hong Kong kasi favorite place ni Dolphy ‘yan. Pero sabi niya, ‘eh kung Disneyland?’ Ay, sige," kwento ni Zsa Zsa sa pagpayag sa imbitasyon ng kaibigan. Paliwanag ng singer-actress hindi pa kasi sila nakakapunta na pamilya sa Disneyland. Inamin din ni Zsa Zsa na hanggang ngayon ay halos araw-araw pa rin siyang naluluha kapag naalala si Dolphy. Lalo na umano sa umaga na oras ng kanilang pag-uusap nung nabubuhay pa ito. Maayos na rin daw ang kanyang kalusugan pero kailangan na niyang alagaan ang katawan matapos magkaroon ng tumor. Dagdag pa niya, hindi naman niya kailangang magpakunsulta palagi sa kanyang duktor sa US matapos na maalis ang nasabing tumor na lumitaw na hindi malignant o cancerous. “Every year na lang pero kung nahanapan siya ng cancer talaga every six months magpapa-check up ka," kwento niya. - FRJimenez, GMA News