ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Child star Ryzza Mae Dizon, wala raw maihanda ang pamilya noong mga nakaraang Pasko


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Inalala ng bibong-bibong child star na si Ryzza Mae Dizon, ang reigning Little Miss Philippines, na noong mga nakaraang Pasko, walang handa ang kanilang pamilya dahil hirap sila sa buhay. "Wala po kaming handa. Nasa bahay lang po kami. Hindi po kami namamasko. Kasi kami po walang mga pagkain pangpasko," kwento niya sa press conference ng Metro Manila Film Festival (MMFF) entry na "Si Agimat, Si Enteng, at Si AKO." Pero sa darating na Pasko, ibang-iba na raw. Sabi ni Ryzza Mae ibibili niya ang kanyang mama, papa, at mga kapatid ng bagong damit at may handa na rin sila para sa Noche Buena tulad raw ng gulay at adobo. Ayon sa ulat ni Lhar Santiago sa Chika Minute ng "24 Oras" newscast noong Lunes, may nagbiro kay Ryzza sa press conference na marami na siguro siyang pera dahil bukod sa regular TV show at pelikula, may mga guestings din siya sa Kapuso Network. Sagot naman niya, "Wala pa po. Nag-iipon pa po... Para po makabili kami ng bahay." Kasama ni Ryzza sa press con ang ilan pang miyembro ng cast tulad nina Judy Ann Santos, John Lapus, at Kapuso tween star na si Yassi Pressman. Parang munting dalaga si Ryzza na may dala-dala pang handbag sa presscon. May laman itong baby cologne, suklay, sunglasses, headset, powder, at kung anu-ano pa. Kwento ni Ryzza, pangarap daw niyang makabili ng bahay na malapit sa studio ng "Eat Bulaga" sa Broadway, Quezon dahil sa ngayon, sa Tondo, Manila pa sila umuuwi. Maliban sa bahay, gusto rin niyang makabili ng sarili niyang sasakyan para hindi na nila kailangan pang mag-commute. Samantala, ikinuwento ni Ryzza ang kanyang papel sa pelikulang "Si Agimat, Si Enteng, at Si AKO." Aniya, "Bilang Ryzza po, bilang dito po, Chichay ako. Yong powers ko po duwende. Meron po kasi akong magic." - Mac Macapendeg, VVP, GMA News

Tags: Ryzza, Mae, Dizon, enteng, pasko