ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Vic Sotto at Pauleen Luna, ano ang plano sa Pasko?


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa darating na Pasko, may plano na kaya sina Vic Sotto at rumored girlfriend nitong si Pauleen Luna? Ito'y kahit inaasahan na magiging abala ang aktor sa film fest movie na Si Agimat, Si Enteng at Si Ako, kung saan kasama niya sina Sen. Bong Revilla Jr, at Judy Ann Santos. Sa ulat ni Lhar Santiago sa Balitanghali nitong Biyernes, sinabi ng Eat Bulaga! host na si Vic na mistulang kasama na ng mga manonood tuwing Disyembre ang karakter niyang si Enteng Kabisote na laging kasali sa taunang Metro Manila Film Festival. Kaya naman ngayong taon, handog daw nila sa mga manood ang malinis na panoorin at may family values na Si Agimat, Si Enteng at Si Ako. Tiyak daw na sulit ang ibabayad ng mga manonood sa naturang pelikula na tiyak na kagigiliwan umano ng mga tao. Ngunit hindi katulad noong nakaraang taon, hindi kasama sa Enteng movie ngayong 2012 ang napapabalitang nobyo ni Bossing Vic na si Pauleen. Pero hindi naman daw imposible na maging leading lady niya si Pauleen sa susunod na pelikula. Sa nakaraang mga “Enteng," ilang beses na rin kasing nagpalit ng leading lady si Vic sa karakter na misis niyang engkantada na si “Faye." Ilan sa mga gumanap na “Faye" sa “Enteng" movies ay sina Alice Dixson, Kristine Hermosa, at ngayon ay si Gwen Zamora. Bagaman wala pa ring diretsahan pag-amin sa relasyon nila ni Pauleen, wala namang pangtangging ipinapahayag si Vic kapag nauusisa ang tungkol sa kanila ng maganda at seksing aktres. “Wala namang dapat itago. And at the same time, wala namang dapat idetalye," pahayag ni Vic. “Alam n’yo naman, I’m not the type who would go into details about personal matters. Sa tanong kung magkakasama ba sila ni Pauleen this Christmas, sinabi ni Vic na bahala na umano kung sino ang makakapunta sa kanyang bahay. “Hindi ko pinoproblema yun.... Depende kasi kung sino ang nandito, kung sino ang makakapunta sa bahay," paliwanag niya. “And si Pauleen has her own family. So, hindi namin pinoproblema yun," dagdag ni Bossing Vic. - FRJimenez, GMA News