ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Nora Aunor, inilahad kung bakit wala siyang New Year resolution


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Karaniwan na sa mga tao ang gumawa ng New Year resolution o mga pangako tuwing bagong taon. Pero ang nag-iisang Superstar na si Nora Aunor, hindi raw gumagawa ng New Year resolution. Alamin ang kanyang dahilan. Sa isang ulat ni Nelson Canlas para sa StarBites ng GMA News TV's Balitanghali, inilahad ng ilang celebrities ang kanilang mga plano o pangakong gagawin ngayong 2013. Ang Kapuso actor na si Dominic Roco, nais daw mangibang bansa at makapunta sa Europe ngayong taon. "Gusto kong lumabas ng bansa. Dahil napakalaki ng mundo, gusto kong makita kahit konti lang," ayon kay Dominic na magiging busy sa inaabangang epic-fantaseryeng Indio ng GMA-7. Pagbabasa naman ng mas maraming libro ang gustong maisakatuparan ng Kapuso hunk na si Aljur Abrenica. Hindi raw siya palabasa noong bata siya pero ngayon ay unti-unti na raw niya itong na-e-enjoy. Kaya naman hangad niya na makapagbasa ng kahit hanggang pitong libro ngayong 2013. Pagbubutihin naman daw ng "bad boy of the dance floor" na si Mark Herras ang kanyang trabaho ngayong taon. Habang si Ryza Cenon, nais mawala na ang kanyang takot sa open water tulad ng dagat. Ang nag-iisang Superstar na si Nora Aunor, aminadong walang New Year solution dahil sa pangambang hindi naman niya ito matutupad. "Sa tigas ng ulo ko, wala," natatawang pahayag ng batikang aktres. "Kasi mangangako pagkatapos hindi ko rin matutupad. Magkakasala ako lalo nun; pero mabait na naman ako ngayon." Pero plano daw ng aktres na maipaopera ngayong taon ang kanyang lalamunan para maisaayos ang kanyang boses. Gusto raw kasi niyang matupad ang kanyang pangako na makapag-concert para sa kanyang mga tagasuporta. -- FRJ, GMA News