Autograph signing ni Marian Rivera, dinagsa ng fans
Dinagsa ng mga tagahanga ang autograph signing ng GMA Primetime Queen na si Marian Rivera na ginanap nitong Linggo ng hapon sa Robinson's Galleria. Ito ay para sa January issue ng men's magazine na For Him Magazine (FHM) kung saan siya ang tampok na cover girl. Ayon sa ulat ni Luane Dy sa “Unang Balita” nitong Lunes, lubos ang pasasalamat ni Marian sa mainit na pagtanggap ng kanyang mga tagahanga sa kanyang cover sa naturang men's magazine. Gayundin, simula pa lang ng taon ay sunod-sunod na ang biyayang natatanggap ng tinaguriang Primetime Queen. Ngayon Pebrero, ilalabas na ang bagong pelikulang pinagbibidahan niya, ang "My Lady Boss," kung saan katambal niya si Richard Gutierrez. Maliban dito, dahil sa walang tigil na pagsubaybay ng mga manunuod, extended ang kanyang pinagbibidahang primetime soap na “Temptation of Wife.” Ani Marian, "Itong 'Temptation,' medyo napahaba-haba. Dapat tapos na kami, pero dahil sa maramnig nagmamahal kay Chantal, kay Angeline (mga karakter ni Marian) ay na-extend kami nang na-extend." — Mac Macapendeg/KBK, GMA News