Andrea Torres, aminadong kailangang mag-adjust kapag wala na ang 'Sana Ay Ikaw Na Nga'
Sa nalalapit na pagtatapos na afternoon soap na "Sana Ay Ikaw Na Nga," kapwa mami-miss daw ng mga bida sa show na sina Mikael Daez at Andrea Torres ang kanilang co-stars at mga staff. Sa ulat ng Balitanghali ng GMA News TV nitong Martes, sinabi ni Mikael na ibang klase ang kasiyahan nila kapag magkakasama sa taping. "Ito 'yong togetherness namin. I'm not kidding. Kasi 'pag magkasama kaming lahat, ibang klase, we're all happy, we're all fun," anang aktor na naging kumportable na raw sa kanyang mga katrabaho. Si Andrea naman, parang kamag-anak na raw ang turing sa mga kasama sa nasabing programa. "Nakasanay ko na' yon, eh. Almost six months magkakasama kaming lahat. So, siyempre, it will take time para makapag-adjust ka ulit na wala na [yong show]," paliwanag ng aktres kaugnay sa Sana Ay Ikaw Na Nga na magtatapos sa darating na Sabado. Pagtiyak naman ni Mikael, magiging kapana-panabik lalo ang natitirang yugto ng serye at matutuwa ang mga manonood sa magiging ending ng palabas. Kasabay nito, inihayag ng dalawang Kapuso stars na sana'y muli silang magkasama sa isang proyekto. - Mac Macapendeg/FRJ, GMA News