Richard Gutierrez, Sid Lucero at Paolo Contis, sumabak sa target shooting
Alamin kung bakit puspusan ang pagsasanay sa firing range ng mga Kapuso actor na sina Richard Gutierrez, Sid Lucero at Paolo Contis sa isang tactical training facility sa Laguna. Sa ulat ng Chika Minute ng GMA News 24 Oras nitong Huwebes, binisita ni showbiz reporter Lhar Santiago sina Richard, Sid at Paolo habang nagta-target shooting sa Laguna. Napag-alaman na ang pag-aaral sa tamang paghawak at pagpapaputok ng baril ay bahagi ng paghahanda ng tatlo sa susunod nilang teleserye na Love And Lies. Ayon sa ulat, gaganap ang tatlo sa karakter bilang miyembro ng Navy Seals kaya kailangang maipakita nila ang pagiging eksperto nila sa paggamit ng baril. "Talagang ginagawa namin ang tactical training, yung mga ginagawa ng Armed Forces at mga Navy Seals natin, so medyo advance yung itinuturo sa amin ngayon," kwento ni Richard. Father to be Aminado naman si Sid na lalo siyang inspirado na magtrabaho dahil malapit na siyang maging tatay. Masayang ibinalita ng aktor na limang buwan na ang baby sa sinapupunan ng kanyang girlfriend, at kahapon lang daw niya nalaman na babae ang kanilang magiging anak. -- FRJimenez, GMA News