Hollywood actor Liam Hemsworth, nais bumalik sa Pilipinas
Dahil ilang araw lang mananatili sa Pilipinas, inihayag ng Hollywood actor na si Liam Hemsworth ang pagnanais niyang bumalik para mapasyalan ang magagandang lugar sa bansa. Sa press conference na ginawa nitong Biyernes kaugnay sa pag-endorso niya ng isang local clothing brand, sinabi ni Liam na marami siyang magagandang naririnig tungkol sa Pilipinas katulad ng mga beach at kabundukan. "I'll will definitely have to comeback," ayon sa aktor na nagsabing mahilig siya sa mountain climbing. Higit na nakilala ng mga Pinoy fans si Liam dahil sa kanyang pelikulang "The Hunger Games." Kapatid naman niya ang bida sa "Thor" movie na si Chris Hemsworth. Nabigo naman ang media na maitanong kay Liam kung totoo ang mga lumalabas na balita na hiwalay na sila ng kanyang fiancé na si Miley Cyrus. Ito'y matapos magbilin sa media ang namamahala sa presscon na huwag magbato ng mga personal na tanong sa Hollywood actor. Dumating sa bansa si Liam nitong Biyernes. - FRJ, GMA News