Filtered By: Showbiz
Showbiz

Kris Aquino, nagsalita na sa sigalot nila ni James Yap; isiniwalat na planong iwanan na ang showbiz


Nagsalita na nitong Huwebes ang TV host-actress na si Kris Aquino kaugnay sa panibagong sigalot na kinakaharap nila ng kanyang dating mister na si James Yap. Sa panayam ni Jessica Soho, isiniwalat din ni Kris na plano na niyang iwan ang showbiz at sinimulan na rin nilang sumailalim ng anak na si Bimby sa counselling. Kasama ni Kris sa naturang panayam ni Jessica ang mga kapatid nito na sina Pinky, Ballsy at Viel.  Ipinalabas ang bahagi ng panayam sa GMA primetime news 24 Oras.   Basahin: PEP: James Yap's camp claims PPO petition of Kris Aquino triggered by his refusal to sign Bimby's adoption papers Sa naturang panayam, kinuwestiyon ni Kris ang motibo ni James sa paghahain ng hold departure order (HDO) laban sa kanya upang hindi siya makalabas ng bansa kasama ang anak nilang si Bimby. Giit ng TV host-actress, sila ang may temporary protection order (TPO) mula sa korte kaya sila ang biktima sa sitwasyon. Ang TPO ay hiningi ni Kris para hindi makalapit sa kanilang mag-ina ang basketball star. Sa petisyon ni Kris sa paghingi ng TPO, sinabi nito na sinaktan siya ng dating mister at nagpakita ng motibo na “as if he was still entitled to his matrimonial rights." Ang inasal umano ni James sa nangyaring insidente sa kanilang bahay noong nakaraang Disyembre ay nagdulot umano ng takot at galit kay Bimby. Itinanggi rin ni Kris ang alegasyon ni James na siya ang nagtuturo sa anak para magalit sa sa dating mister. Sa isang bahagi ng panayam, sinabi ni Ballsy na naging saksi siya kung papaano payuhan ni Kris si Bimby na huwag magsalita ng masama sa ama. Basahin: Para 'di mailabas ng bansa si Bimby: James Yap, maghahain ng HDO vs Kris Aquino Naniniwala rin siya na nakadagdag sa hinanakit ng bata ang nangyaring insidente noong Disyembre. Ayon kay Kris, sa murang edad ng kanilang anak na si Bimby, nauunawaan nito ang nangyayari sa kanilang mag-ina. Inamin din ng TV host-actress na sinimulan na rin na sumailalim sila sa counselling. Para lubos na magabayan ang anak, kinumpirma ni Kris kay Jessica ang plano niyang talikuran na ang showbiz. Sakabila ito ng mga paalala ng kanyang mga kapatid tungkol sa pinirmahan niyang mga kontrata. Ngunit higit umano sa kanyang mga contractual obligation, sinabi ni Kris na mayroon din siyang obligasyon sa kanyang mga anak bilang ina. "Kailangan niya ako (Bimby). Hindi ko dapat sabihin ito pero we started counselling and ayokong talagang lumaki yung anak ko na pwedeng isisi sa akin na, 'mama tingnan mo ang pinagdaanan ko nung bata ako,'" ayon kay  Kris. Nais umano niyang dumating ang panahon na masasabi niya sa harap ng kanyang mga anak na isinakripisyo niya ang lahat para sa kanila. Mapapanood ang buong panayam kay Kris sa State of The Nation (SONA) sa GMA News TV ngayong Huwebes ng gabi. - FRJimenez, GMA News

Tags: krisaquino