Kris Aquino for VP sa 2016, tinawag na 'chika' ni Lacierda
“This is now Chika Minute.” Ito ang nasambit ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda nang hingan ng pahayag ng Palace reporters tungkol sa balita na tatakbong bise presidente ng bansa sa 2016 elections ang TV host-actress na si Kris Aquino, bunsong kapatid ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III. “This is now Chika Minute,” ayon kay Lacierda na hango sa showbiz portion ng GMA News' “24 Oras” news program. “I don’t want to talk about [that issue.] We’d rather not talk on that because, primarily, I have not discussed anything with Ms. Kris Aquino.” Una rito, hiniling ni retired Lingayen Archbishop Oscar Cruz nitong Martes na magsalita ang kampo ni Kris tungkol sa mga nasasagap niyang impormasyon tungkol sa planong pagtakbo ng kontrobersiyal na aktres sa 2016 elections. Nataon na matatapos sa 2016 ang anim na taong termino bilang pangulo ng kanyang kuya na si PNoy. Basahin: Kris Aquino, tatakbo nga bang Vice President sa 2016? Giit ni Cruz, mapagkakatiwalian at nagmula sa "administrasyon" ang taong nagbigay sa kanya ng impormasyon tungkol sa pagtakbong pangalawang pangulo ni Kris, na naririnig na rin daw niya noon pa man. Sabi ng arsobispo, makabubuting itanggi na ng kampo ni Kris kung walang katotohanan ang nasasagap niyang impormasyon, at kung mananatiling tahimik naman ang TV host-actress ay maaaring isipin na may pahintulot na palutangin ang kanyang pangalan. Kasalukuyang nasa ibang bansa si Kris para magbakasyon kasama ang kanyang dalawang anak. “Rumormonger” Ngunit para kay Lacierda, “chika” lang ang nasasagap na impormasyon ng retiradong arsobispo na pinasaringan din niyang “rumormonger.” “Some people, as they grow old, they become elder statesmen; some people when they grow old they become rumormongers. I don’t know why,” anang opisyal. “Let’s allow Kris Aquino to live peacefully,” dagdag pa niya. Basahin: Kris Aquino files temporary protection order against ex-husband James Yap Kamakailan lang ay naging laman muli ng mga balita si Kris dahil sa hiningi nitong protection order sa korte laban sa kanyang dating mister na si James Yap. “She has made a decision right now to be at peace, to live quietly, so let’s allow her some space,” pakiusap pa ni Lacierda. Gayunman, inamin ng opisyal na hindi pa niya nakakausap si Kris tungkol sa nasabing isyu. “I don’t want to talk about [that issue.] We’d rather not talk on that because, primarily, I have not discussed anything with Ms. Kris Aquino,” ayon kay Lacierda. Umaasa rin ang opisyal na ititigil na ni Cruz ang pagsagap sa mga usaping "chika" at panghihimasok sa buhay ng iba. Matatandaan na ang namayapang ina ni Kris na si dating Pangulong Cory Aquino ang naging unang babaeng pangulo ng bansa, habang si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, ang naging unang babaeng bise presidente. — FRJ, GMA News