Indio star Sen. Bong Revilla, ipinagtanggol ang mga artistang pinupuntirya ng BIR
Ipinagtanggol ni Senador Ramong "Bong" Revilla Jr., ang mga kapwa artista na tila napag-iinitan ngayon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) kaugnay sa hindi umano pagbabayad ng tamang buwis. Sa ulat ng showbiz talkshow na StarTalk nitong Sabado, sinabi ng lead star ng Kapuso primetime series na Indio, na mas makabubuting bigyan muna ng warning ng BIR ang mga artistang nakitaan na mali ang binayarang buwis kaysa ihayag kaagad sa press conference ang isasampang tax evasion case. "Hindi naman siguro sa gusto nilang takbuhan ang ating gobyerno pero sana naman 'wag naman kaagad sirain din kaagad yung...maging maingat din yung BIR sa mga aspeto na 'yan," pakiusap ng senador. "Bigyan naman sana muna ng warning, at least para maging aware sila na mayroon silang hindi nabayarang buwis," dagdag niya. Basahin: P3.6M kasong tax evasion, inihain ng BIR vs Solenn Heussaff Ang Kapuso star at kasama sa cast ng Indio na si Solenn Heussaff ang pinakabagong celebrity na kinasuhan ng BIR ng tax evasion dahil sa hindi umano pagdedeklara ng tamang halaga ng kanyang kinita noong 2011. Bago nito, naunang naging paksa ng press conference ni BIR head Kim Henares ang pagsasampa ng tax evasion case laban din sa komendyanteng Koreano na si Ryan Bang. Umaabot sa P3.6 milyong buwis ang hinahabol ng BIR kay Solenn, habang nasa P1.8 milyon naman kay Ryan. Basahin: Komedyante at TV host na si Ryan Bang, kinasuhan ng tax evasion Nauna nang sinabi ni Solenn sa pamamagitan ng kanyang Twitter account na aayusin niya ang naturang problema. Pero para kay Sen. Revilla, mayroon mas malalaking tao na mas malaki ang hindi binabayarang buwis ang dapat bigyan prayoridad at puntiryahin ng BIR. "E mas marami pa diyan yung big time na dapat hagarin nila, 'yon yung pagbayarin nila ng buwis, na bigyan nila ng priority. Hindi yung mga artista porke sikat puputok yung pangalan 'pag iniimbestigahan," paliwanag ng senador. Nauna nang sinabi ni Henares na hindi nila pinupuntirya ang mga artista pero mas madali umanong mamonitor ang kita ng mga ito dahil lumalabas ang kanilang mga proyekto kaya madali ring matuklasan kung nagbabayad sila ng tamang buwis. -- FRJimenez, GMA News