Regine Velasquez, pahinga muli sa pagkanta dahil sa sakit
Kailangan na muling ipahinga ng Asia's Song Bird na si Regine Velasquez ang kanyang boses dahil sa muling pag-atake ng kanyang sakit. Sa panayam ni Lhar Santiago para sa Chika Minute ng 24 Oras nitong Biyernes, sinabi ni Ogie Alcasid na pinayuhan ng duktor si Regine na i-total rest ang boses ng may isang buwan. Muli daw kasing umatake ang acid reflux si Regine na nagsimula nang isilang nito ang kanilang anak na si Baby Nate. Sa naturang pagsumpong ng sakit, nakararamdam umano si Regine ng matinding iritasyon sa bibig at lalamunan bunsod ng pag-akyat ng acid mula sa kanyang sikmura. Kung pahinga muna si Regine, very busy naman si Ogie sa mga proyekto sa pelikula at telebisyon. Tinatapos ni Ogie ang pelikulang Reketeros kung saan kasama niya sina Mayor Herbert Bautista, Dennis Padilla, Andrew E., at Sam Pinto. Nagsimula na rin ang kanyang bagong show sa GMA na Ready, Set, Laban, kung saan nagpapaligsahan ang mga batang kalahok. Ayon kay Ogie, na abala rin sa kanyang comedy show na Bubble Gang, masaya siya sa kanyang bagong show dahil natutuwa siyang kasama ang mga bata. - FRJImenez, GMA News