Arnold Clavio at Kim Rodriguez, nag-'Gwiyomi' sa 'TWAC'
Nakipagkulitan at sumabay sa K-Pop hit na "Gwiyomi" craze ang Kapuso young star na si Kim Rodriguez kasama ang news anchor at "Igan ng bayan" na si Arnold Clavio. Sa episode ng Tonight With Arnold Clavio nitong Miyerkules ng gabi, sabay na gumawa ng "Gwiyomi" hands and facial gesture sina Arnold at Kim, na lead star ng bagong Kapuso series na "Kakambal ni Eliana." Game na game si Arnold sa pagsabay kay Kim upang makuha ang tamang hand gesture at facial expression ng kinagigiliwang Gwiyomi song. Nauna nang nag-upload ng kani-kanilang video sa Youtube na gumawa rin ng Gwiyomi version sina Kylie Padilla at ang "iBilib" hosts na sina Heart Evangelista, Chris Tiu, at ang comedy duo na Moymoy Palaboy. Takot sa ahas Samantala sa isang bahagi ng panayam kay Kim sa TWAC, ikinuwento ng young actress kung papaano niya nalampasan ang takot sa ahas para sa kanyang bagong project. Sa soap na Kakambal ni Eliana, gagampanan ni Kim ang karakter na mayroong siyang kakambal na ahas na si "Naha", isang black Mexican king snake. Sa TWAC, may dalawang mahabang ahas ang ipinahawak kay Kim bilang challenge sa kanya. Hindi naman nagpakita ng takot ang aktres at nilagay ang mga ito sa kanyang leeg. Ayon sa aktres, noong una ay natatakot siya sa ahas ngunit dahil na rin sa "Kakambal ni Eliana" ay kinalaban niya ang takot para magampanan ng mabuti ang kanyang karakter sa programa. Mensahe sa ama Samantala, nagbigay ng mensahe ang aktres sa kanyang ama na hindi niya nakasama sa kanyang paglaki. "Salamat po kasi kahit hindi kita nakasama lumaki, mahal mo pa rin po ako. Sana po mag-ingat pa rin kayo lagi. Nandito lang po ako kung may kailangan po kayo," sambit ni Kim na lumaki sa piling ng kanyang lola na yumao na. Sa ngayon, binibisita na siya ng kanyang ama at natutuwa ito sa nakakamit niyang tagumpay sa kanyang showbiz career. - Mac Macapendeg/FRJ, GMA News