Kris Aquino: 'Hello? I will never vote buy. I just gave him a tip'
Sinagot na ng kontrobersiyal television host-actress na si Kris Aquino ang isyu tungkol sa pagbibigay niya ng malaking "tip" sa isang drayber sa Cebu na hinikayat niyang iboto ang ilan sa mga sinusuportahan niyang kandidato sa pagka-senador. Sa panayam ng media kay Kris sa muling pagsabak nito sa kampanya, iginiit niya na "tip" lamang ang ibinigay niya sa drayber na naghatid sa kanya sa hotel sa Cebu. "Hello? I will never vote buy. I just gave him a tip. They're just so inggit dahil hindi ko sila kina-campaign, sorry," pahayag ng nakababatang kapatid ni Pangulong Benigno Aquino III. Basahin: Palace exec: Kris Aquino didn't buy cab driver's vote Taliwas sa unang kwento ni Kris na taxi ang kanyang nasakyan, lumitaw na rent-a-car ang naghatid sa kanya sa hotel na minamaneho ni Alexander Iman. Sa ulat ng Balitanghali nitong Miyerkules, inamin ni Iman na binigyan siya ni Kris ng P1,000, na doble sa dapat na bayaran sa kanyang kontrata. Gayunman, hindi umano niya matandaan ang mga nabanggit sa kanya ni Kris. "Una binigyan ako ng one hundred. Nabigla ako. Sabi ko sa kanyang kasama sir kulang ito...dahil P475 ang patak. Kaya binalik ko sa kanya. Tapos sabi'y sige kunin ko na lang 'yan. Bigyan kita nito. Kaya ayon, binigyan ako ng isang libo," kwento ni Iman. Naunang napaulat na hinimok ni Kris si Iman na iboto sina Grace Poe, Francis Escudero at pinsan niyang si Bam Aquino. Sa nakaraang panayam kay Commission on Elections (Comelec) chairman Sixto Brillantes Jr., sinabi nito na bagaman maituturing vote buying ang ginawa ni Kris, naniniwala siyang "in good faith" ang pagbibigay ng aktres ng malaking tip. Tiniyak din ni Vice President Jejomar Binay na walang reklamong manggagaling sa kanila laban kay Kris, na tinawag ng lider ng United Nationalists Alliance (UNA), na sadyang galanteng magbigay ng "tip." Sinabi naman ni Kris na handa siyang humarap sa Comelec kapag ipinatawag dahil sa naturang isyu. Iginiit din niya na hindi niya batid kung gaano kalaki ang magiging boto sa ginagawa niyang pag-endorso sa mga sinusuportahan niyang mga kandidato. Samantala, bagaman desididong sumabak sa 2016 elections, sinabi ni Kris na nakadepende pa rin ito sa magiging pasya ng kanyang mga anak na higit umano niyang prayoridad. "By 2016 my son (Bimby) will only be nine-years-old. And ang priority ko talaga is to really take care of my children, so kung hindi pa handa ang mga anak ko magpulitika ang nanay nila, then 'wag muna," paliwanag niya. -- FRJimenez, GMA News