Mocha Girls, naka-bonding si Steven Tyler
Dumagsa ang fans ng American rock band na Aerosmith concert nitong Miyerkules ng gabi sa SM Mall of Asia Arena. Kung ang iba ay maagang dumating upang mapanood ang sikat na banda, sinuwerte naman ang Mocha Girls dahil nakakuwentuhan pa nila ang Aerosmith vocalist na si Steven Tyler. Ayon sa ulat ng Kape at Balita nitong Huwebes, tinanong daw kasi ng bokalista kung sino ang pinakasikat na girl group sa bansa kaya naman tinawagan ng producer ng concert ang Mocha Girls. Dagdag ni Mocha Uson, ang leader ng nasabing grupo, natuwa raw si Tyler sa ganda ng mga Pinay. "Kami, tuwang-tuwa lang kasi kami lang yung Philippine artist na mi-neet (meet) niya. Siguro mga 15 minutes kaming nagkwentuhan. Tuwang-tuwa siya kasi ang gaganda raw ng mga Pinay," saad ni Mocha. Pinirmahan pa ni Tyler ang kalendaryo ng Mocha Girls at ang sapatos ni Mocha. Sa buong Asya, sa Pilipinas lang nagtanghal ang American band. -- Mac Macapendeg/FRJ, GMA News