Joey Marquez, bigong makabalik sa pulitika; ex-wife na si Alma Moreno, konsehal pa rin
Nabigong makabalik sa pulitika ang actor-comedian na si Joey Marquez matapos matalo sa kanyang pagkandidato bilang kongresista sa ikalawang distrito ng Parañaque City sa katatapos na halalan. Nitong Martes ng hapon, iprinoklama na bilang panalong kongresista sa nasabing distrito si Gus Tambunting ng United Nationalist Alliance (UNA). Ginawa ang proklamasyon ni Tambunting sa San Antonio Sports Complex sa Paranaque, ayon kay Victoria Tulad ng GMA News. Nagsilbing bise alkalde si Joey noong 1992 hanggang 1995, at alkalde naman mula 1995 hanggang 2004. Tumabong alkalde ng lungsod si Joey noong 2010 elections pero nabigo rin. Samantala, naging matagumpay naman ang kandidatura ng dating misis ni Joey na si re-electionist councillor Alma Moreno-Salic sa unang distrito ng Parañaque. Kasalukuyang presidente ng liga ng mga konsehal si Alma at nagplano noon na tumakbong senador ngayong 2013 elections. Kasama ni Alma sa mga celebrities na nananalong konsehal sa Paranaque sina Jason Webb, Roselle Nava, at Ryan Llyana. -- Mac Macapendeg/FRJ, GMA News