Lovi Poe, pasukin din kaya ang pulitika tulad ng kanyang ate na si senator-elect Grace Poe?
Sa contract signing ni Lovi Poe sa GMA Network, naitanong sa aktres ng showbiz press kung may posibilidad na pasukin din niya ang pulitika gaya ng kanyang ate na si Senator-elect Grace Poe-Llamanzares. Ginanap nitong Biyernes ang muling pagpirma ni Lovi ng 3-year contract sa Kapuso station kung saan nagsimula ang kanyang showbiz career. Pero bukod sa showbiz issue tulad ng mga gagawin niyang projects, kinunan na rin ng reaksiyon ang aktres tungkol sa matagumpay na kampanya nitong katatapos na halalan ng kanyang haft-sister na si Grace. Naiproklama nang senador ng Commission on Election si Grace nitong Huwebes ng gabi at siyang nanguna sa bilangan ng mga boto sa pagka-senador. "Si Ate Grace, she’s very humble, she’s very smart," pahayag ni Lovi. Ang dalawa ay anak ng yumaong action king na si Fernando Poe Jr., na sumabak din sa pulitika pero natalo noong 2004 presidential election. Malaki raw ang paghanga ni Lovi sa kanyang Ate Grace na tinitingnan niya bilang isang magandang halimbawa. “I am so proud of her and I’m sure si Papa, kung ano yung nararamdaman ko ngayon, mas grabe pa yung sa kanya," patuloy ng aktres. Pero sa kabila ng matagumpay na pagsabak ni Grace sa pulitika, wala naman daw plano si Lovi na sundan ang yapak ng kanyang ate. “I don’t think I can venture on that because it’s not my turf,” aniya. Mas nais daw ng aktres na pagtuunan ng pansin ang kanyang trabaho sa showbiz. - FRJimenez, GMA News