Richard Gutierrez, 'nabitin' sa 'Love And Lies'
Dahil isang linggo na lang ang nalalabi sa GMA primetime series na Love And Lies, inamin ng lead star na si Richard Gutierrez na nabitin siya dahil na rin sa sobrang bilis ng takbo ng istorya nito. Sa presscon na ginanap kamakailan kaugnay ng pagtatapos ng serye, sinabi ni Richard na hindi dapat palampasin ang nalalabing isang linggo ng serye. "Maraming revelations ang magaganap and of course may mga twits sa dulo. Abangan nila kung saan mapupunta si Edward; kay Cathy ba o kay Denise," ayon sa aktor. "Isa pa yung paghihiganti ni Edward kay Gabby na inakala niyang bestfriend niya, and kung papaano mareredeem ni Edward yung sarili niya pagkatapos ng lahat ng nangyari sa kanya," dagdag ni Richard. Tiniyak niyang magiging puno ng aksiyon at drama ang ending ng Love And Lies. Sinabi rin ng Kapuso leading man, na hindi naman nila ikinagulat ang pagtatapos ng serye na tumagal lamang ng walong linggo. Batid daw nila na nakadesenyo ito na magiging mabilis ang takbo ng mga eksena. Pero dahil sa ganda ng istorya, hindi nila namalayan na magwawakas na ito. "Parang kasisimula pa lamang namin kahapon tapos ngayon tapos na... ang bilis talaga. Parang pinag-uusapan nga namin sa set na we just picking up momentum and nag-iinit pa lang kami and all of a sudden patapos na kami," paliwanag niya. Ayon kay Richard, marami pang puwedeng puntahan ang karakter na ginagampanan niyang si Edward, at nabitin din siya sa kanyang role bilang isang militar. Gayunman, bilang artista, sinabi ni Richard na handa niyang tanggapin ang katulad na role kapag inialok muli sa kanya. Sa pagtatapos ng serye, nais daw ng aktor na magbakasyon mula para makasama ang pamilya. Bukod sa pagsubaybay sa huling linggo ng Love And Lies, inimbitahan din ni Richard ang publiko na panoorin ang pelikula nila ni Marian Rivera na My Lady Boss. -- FRJ, GMA News