ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Tom Rodriguez sa kanyang 'lover' na si Dennis Trillo: 'Napakagaan, napaka-professional'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

"Mas maganda kung may kaunting takot." Ito ang naging bungad na pahayag ng bagong Kapuso actor na si Tom Rodriguez nang makapanayam kamakailan sa plug shoot ng bagong inaabangang GMA primetime series na My Husband's Lover.

Sa nasabing serye, ginagampanan ni Tom ang karakter ni Vincent, ang mister ni Carla Abellana na may lihim na relasyon sa karakter ni Dennis Trillo.

Dahil ito ang unang project ni Tom bilang isang Kapuso, aminado siya na nakakaramdam siya ng pressure every now and then.

"All the time naman. Nasa sa atin naman 'yon kung magpapatalo tayo sa takot or pressure, kasi hindi naman natin maaalis 'yon. Mas maganda nga kung may kaunting takot. Maganda na lang parang baliktarin na lang natin, parang i-transform natin na maging productive, na mailagay natin sa trabaho natin," paliwanag niya.

Makikita rin sa mukha ni Tom ang excitement na maging bahagi ng nasabing primetime series, at nag-enjoy umano siya sa mga unang araw ng kanilang taping.

"Masaya kasi lahat, very welcoming, sobrang mainit ang pagtanggap nila sa akin. Yung crew naman napaka-professional, at saka gusto ko yung feeling na may teamwork. Kaya ako, happy ako. Sobrang magandang first week," pagbabahagi niya.

Inaabangan ng maraming manonood ng serye ang mga eksena nila ng kanyang "lover" na si Eric, played by Dennis. Kamusta naman kaya ang kanilang working relationship?

"Wala akong problema katrabaho si Dennis. Napakagaan, napaka-professional. At the same time, parang dinadala niya ako nang maayos kasi siya yung mas may experience, yung beteranong aktor, at award-winning pa. Very happy ako, I'm in very good hands," ayon kay Tom.

Papuri rin at paghanga ang ibinigay ni Tom kay Carla na gumaganap sa papel ni Lally, ang kanyang misis.



"Pareho sila ni Dennis, talagang wala akong masabi. Sobrang bilib ako sa kanila dahil bilang baguhan dito sa Kapuso network, pinaparamdam nila sa akin kaagad ang familiarity, 'yung pagiging comfortable ko sa kanila, na kapag nag-eksena kami, parang hindi mo ramdam na 'Ay, bago lang kami magkakilala,'" patuloy ni Tom.

"Pinaparamdam nila na 'Ito tayo. Tayo magkakasama dito nang matagal so tayo-tayo lang din dito magkakasanggaan, magkakagrupo, magkakaibigan," dagdag niya.

Mapapanood ang My Husband's Lover, gabi-gabi sa GMA-7 pagkatapos ng Mundo Mo'y Akin. -- FRJ, GMA News