Ang sasabihin ni Ryzza Mae kapag nakita si PNoy: 'Ihahanap ko po kayo ng asawa'
Ang tanungan portion ang isa sa mga naging bahagi ng birthday celebration ni Ryzza Mae Dizon sa kanyang programa sa GMA-7 na The Ryzza Mae Show. At kasama sa mga naitanong sa "Aling Maliit" ay kung ano ang sasabihin nito kapag nakaharap si Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III. Sa kanyang programa nitong Miyerkules, naging special guest ni Ryzza ang mga haligi ng noontime show na Eat Bulaga! na sina Sen. Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon. Ngunit bago nito, naghandog muna ng sayaw kay Ryzza na nag-celebrate ng kanyang 8th birthday sina Mark Herras, Rochelle Pangilinan at ang EB Babe dancers. Una at nag-iisa munang nakausap ni Ryzza sa kanyang show si Bossing Vic kung saan ipinakita ang ilang lumang larawan ng child star nung nagsisimula pa lamang niyang abutin ang kanyang mga pangarap. Hindi nagtagal, nakarinig ng mga katok at kaluskos si Ryzza sa backstage na ikinatakot ng bata kaya napatakbo at halos maiyak sa kaniyang ina. Kaagad namang naalis ang takot ng bata nang makita niya na sina Sen. Sotto at Joey ang lumilikha ng ingay. Dito na sinimulan ng tatlo ang pagbato ng ilang mga katanungan kay Ryzza na tila bahagi ng question and answer portion nang sumali siya at manalo sa Little Miss Philippines. Sa pagtatanong ng tatlo kung ano ang ipinagdadasal noon ni Ryzza nang sumali siya sa Little Miss Philippines, lumitaw na natupad at pinakinggan ni "Jesus" ang kanyang kahilingan. Ayon kay Ryzza, ipinagdasal niya na: "Papa Jesus, sana po manalo ako sa Little Miss Philippines para po matulungan ko ang mga magulang ko. Kasi po mama ko walang trabaho tsaka papa ko." Basahin: Child star Ryzza Mae Dizon, wala raw maihanda ang pamilya noong mga nakaraang Pasko Ngayon daw, ang kanya namang ipinagdadasal ay, "Papa Jesus, thank you po sa mga blessings na binigay niyo sa amin. Sana po lagi kaming healthy, malusog." Nang maitanong kay Ryzza kung ano naman ang sasabihin niya kapag nakaharap niya si Pangulong Aquino, sagot ng pinakabatang TV host, "Sasabihin ko po, paano maging presidente?" Itatanong din daw ni Ryzza kay Aquino kung may asawa na ito at kung maaari siyang mag-guest sa kanyang show na The Ryzza Mae Show. Lumakas naman ang tawanan nang himirit pa si Ryzza ng kanyang sasabihin kay Aquino na, "ihahanap ko po kayo ng asawa... marami po dito." Si Aquino, 53-anyos, ang unang binatang pangulo ng bansa. Huling naugnay kay Aquino sa television personality na si Grace Lee. Napabalita rin noong nakaraang buwan na na naka-date ng pangulo ang beauty queen-turned-actress na si Bianca Manalo. Nang tanungin si Ryzza kung ano kanyang birthday wish, sinabi nito na hangad lang niya ang maging masaya at malusog ang kaniyang pamilya, at laging mayroong Ryzza Mae Show at Eat Bulaga." -- FRJimenez, GMA News