My Husband‘s Lover, pinataob ang katapat na programa
Nagtala ng mataas na comparative tv rating points sa Mega Manila ang pinag-uusapang Kapuso primetime series na My Husband's Lover, batay sa resulta ng mas pinagkakatiwalaang AGB Nielsen Philippines. Sa PEP Alert ng entertainment news site na Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) nitong Miyerkules, sinabing lumitaw sa overnight ratings ng AGB Nielsen sa Mega Manila households, na nakapatala ng 22.8 percent points ang pilot episode ng My Husband's Lover nitong Lunes, June 10. Ang naitalang puntos ng My Husband's Lover ay mas mataas ng 6.5 percent sa nakuhang 16.3 percent ng katapat nitong programa na Apoy Sa Dagat sa nabanggit na araw. Sa ulat Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Miyerkules, sinabing muling napasama sa trending topic ng microblogging site na Twitter ang My Husband's Lover sa ikalawang araw ng pagpapalabas ng serye nitong Martes. Nitong Miyerkules, muli ring nag-trend sa Twitter ang programa sa ikatlong sunod na araw. Basahin: Netizens rave over 'My Husband’s Lover' pilot episode Ang My Husband's Lover ay kuwento ng isang lalaki na may asawa, ngunit mayroong lihim na relasyon sa kanyang kaibigang lalaki. Pinagbibidahan ito nina Dennis Trillo, Carla Abellana at bagong Kapuso actor na si Tom Rodriguez. Samantala, hindi rin nagpahuli ang iba pang mga bagong drama series ng GMA-7 na Mga Basang Sisiw at Anna KareNina na kapwa nagtala rin ng mataas na ratings sa Mega Manila, batay pa rin sa AGB Nielsen. Kabilang ang GMA-7 sa mahigit 20 kumpanya na kumukuha ng serbisyo ng mas pinagkakatiwalaang Nielsen TV Audience Measurement. Ilan pa sa mga TV Network na naka-subscribe dito ay ang TV-5, Faulkner Media, CBN Asia, mga advertising agencies, at regional clients. - FRJimenez, GMA News Ang GMA News Online ang official news website ng GMA Network