Alamin ang bonding sports nina Alden Richards at Rocco Nacino sa kanilang mga ama
Kahit abala sa kanilang trabaho, may oras pa rin na inilalaan sina Alden Richards at Rocco Nacino para maka-bonding ang kanilang mga pamilya. Alamin kung anong sports ang paraan nila para maka-bonding ang kanilang mga ama. Ayon sa lead star ng "Mundo Mo'y Akin" na si Alden, (Richard Faulkerson Jr. sa tunay na buhay), lagi siyang naglalaan ng oras para sa kanyang pamilya, lalo na sa kanyang ama. Ilang taon na rin ang nakararaan mula nang maulila ang aktor sa ina. Nitong Father's Day, naglaan ng panahon si Alden para magawa nila ng kanyang ama na si Richard Sr. ang paborito nilang sport -- ang bowling. "Si Dad kasi ang nagda-drive sa'kin every Sunday kapag day-off 'yong driver. 'Pag meron kaming in between schedule at may window time, usually we go out sa mall pero siguro ngayon na lang magbo-bowling ulit," kuwento ni Alden sa ulat ni Nelson Canlas sa "Chika Minute" ng 24 Oras nitong Miyerkules. Dagdag pa niya, "Kasi siya nagpakilala sa'kin nito, eh. Nagbo-bowling kasi si Dad before when he was young." Ayon naman ky Richard Sr., "Yong Sunday ko, dedicated na talaga sa kanya... Ganun talaga... Na-enjoy ko naman." Samantala, ang mag-amang Rocco at Ralph Nacino, boxing naman ang paboritong hobby. Bukod daw kasi nakapag-bonding sila, mahusay din ito sa kalusugan. Katunayan, kasosyo sila sa boxing gym sa Elorde sa Ortigas. "Before, I was used to be teased that I was way too big and I looked like a dad, after that I started my exercise by jogging and everything followed," kwento niya. Matapos ang kanyang matagumpay na political series na Bayan Ko, muling mapapanood si Rocco kasama sa Lovi Poe sa bagong Kapuso primetime soap na Hanggang Ngayon. - Mac Macapendeg/FRJ, GMA News