Filtered By: Showbiz
Showbiz

Mag-inang Yayo Aguila at Patricia Martinez, ikinatuwa ang hatol vs Baron Geisler sa kasong acts of lasciviousness


Guilty ang hatol ni Judge Aleli Briones ng Makati Municipal Trial Court Branch 61 sa aktor na si Baron Geisler noong Lunes sa kasong acts of lasciviousness na isinampa ni Patricia Martinez, anak nina Yayo Aguila at William Martinez.
 
Ayon sa ulat ni Cata Tibayan sa Chika Minute ng 24 Oras noong Lunes, ikinatuwa ng mag-ina ang naturang desisyon at inaasahan din nilang magsilbing aral ito para sa aktor.
 
Wika pa ni Patricia, "It's all behind me now and today I'm just happy na positive ang decision."
 
Gayundin, maaaring maparusahan ng anim na buwan hanggang dalawang taon na pagkakakulong si Baron at moral damages na aabot sa P30,000.
 

Ayon naman kay Yayo, "Iba 'yong level ng happiness ko kasi matagal kaming nag-antay for justice to be served.
 
Inireklamo ni Patricia si Baron noong Abril 25, 2008 dahil sa umanong pambabastos sa kanya sa isang club sa Makati City. Hinipuan umano siya ng aktor sa maseselang bahagi ng kanyang katawan at inalok pa itong makipagtalik.
 
Ani Patricia, "Para sa akin, forgiveness is something deeper pero you still have to be responsible for what you've done. One of the reasons why I did this [file a case] also is to let other women or females know that they have a voice. They should fight for what is right."
 
Samantala, bigong makadalo sa proklamasyon si Baron dahil meron itong shooting.
 
Giit naman ng abogado ng aktor na si Atty. Carlo Alentajan, ang hatol ng Makati MTC ay hindi pa final at executory kaya naman maaari pa silang mag-apela sa korte.
 
"We have decided to appeal the decision of conviction with Baron. You know naman under the law that everyone is presumed innocent until proven guilty upon final conviction," pahayag ni Atty. Alentajan.
 
Bukod pa rito, wala umanong balak si Baron na takasan ang maaaring kaparusahan na ipataw sa kanya. — Mac Macapendeg/RSJ, GMA News