Filtered By: Showbiz
Showbiz

Susunod na pelikula ni Vin Diesel, posibleng gawin sa Pilipinas


Inihayag ng Hollywood actor na si Vin Diesel na malaki ang posibilidad na sa Pilipinas gawin ang susunod niyang action movie na "xXx: Return of Xander Cage." Sa ulat ng "Chika Minute" ng GMA news 24 Oras nitong Biyernes, sinabing ginawa ni Vin ang pahayag sa naging panayam sa kaniya ni Ricky Lo para sa Startalk TX na ipalalabas sa Sabado. Inihayag ng Hollywood actor na posibleng maging laman ng istorya ni Xander Cage na nagpunta ito sa Pilipinas nang panahon na mawala siya sa nakalipas na sampung taon. Sa nabanggit na pelikula, ginampanan ni Vin ang karakter ni Xander na isang extreme sports athelete na kinuha ng pamahalaan para sa isang delikadong misyon. Taong 2002 nang gawin ni Vin ang unang bahagi ng "xXx " kung saan nakasama niya sina Samuel L. Jackson, Marton Csokas at Asia Argento. Pagkaraan ng tatlong taon, isang bersiyon ng "xXx: State of the Union" ang ipinalabas pero hindi si Vin ang bida kung hindi ang rapper na si Ice Cube. Hindi pa rin makalimutan ni Vin ang naging mainit na pagtanggap sa kanya ng mga Pinoy nang gawin sa bansa ang premiere ng pelikula niyang “Fast and Furious 6." Basahin: Hollywood actor Vin Diesel, ini-enjoy ang pananatili sa bansa; sumakay na rin ng jeepney Habang nasa Manila, nagpakuha pa si Vin habang namamasyal sakay ng jeepney. Mapapanood ang buong panayam ni Ricky Lo kay Vin sa Startalk sa Sabado pagkatapos ng Eat Bulaga sa GMA-7. -- FRJimenez, GMA News

Tags: vindiesel,