ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Jaclyn Jose, pinaghahandaan ang panahon na magtanong ang apong si Ellie tungkol sa ama nito


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

(photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com)

Habang lumalaki ang anak ni Andi Eigenmann na si Adriana Gabrielli o mas kilala bilang Ellie, hindi maiiwasang mag-isip ang ilan kung nagtatanong na kaya ng 3-year-old daughter ni Andi tungkol sa kaniyang ama.
 
Ayon sa kaniyang lola na si Jaclyn Jose, sa ngayon ay hindi naman daw nagtatanong ang kaniyang apo; kagaya nang hindi pagtatanong si Andi tungkol sa kaniyang ama noong bata pa ito.
 
Matatandaang lumaki ang 24-year-old actress sa kanyang ina matapos itong makipaghiwalay sa ama ni Andi, ang namayapang batikang aktor na si Mark Gil. 
 
“Lumaki si Andi na alam niya kung sino ang daddy niya pero hindi niya hinahanap. I feel napalaki ko siya nang buo. Hindi lang ako mother and father. Psychologist din ako, teacher din. Nakikita ko kay Ellie na ganun din siya. Siguro akala niya ganun talaga,” ani Jaclyn. 
 
Paliwanag pa ng batikang aktres, wala rin daw kasing nakikitang father figure sa bahay ang apo dahil lumaki sina Andi at ang nakababata nitong kapatid na walang ama.
 
Kung tatanungin naman daw siya ni Ellie tungkol sa ama nito, hindi raw niya gustong sa kaniya manggaling ang sagot.
 
Nang tanungin kung ano ang sasabihin niya kay Ellie, tugon ni Jaclyn, “Sasabihin ko, 'You ask your mommy.'”
 
Dagdag pa ni Jaclyn, naniniwala siyang maipapaliwanag naman ni Andi nang mabuti ang sitwasyon nito sa kaniyang anak sa oras na magtanong na ito.

“Si Andi, matalino. Magaling magsalita 'yan. Alam kong maipapaliwanag niya ng maganda kay Ellie yung sitwasyon niya. Alam kong hindi siya mabibigo na tanggapin ni Ellie kung ano ang sasabihin niya.”
 
Naniniwala rin siya na nagiging isang mabuting ina si Andi sa kanyang anak. Kuwento pa niya, noong nakaraang linggo lamang, nakasama ni Andi si Ellie sa Hongkong sa kauna-unahang pagkakataon upang mag-bonding.
 
 

I was slowing #theBelle down. But my toe felt like it was about to fall off today. #HKdisneyland #BaeHK2014

A photo posted by Andi Eigenmann (@andieigengirl) on


 
Suportado rin niya ang anak sa mga desisyon nito. Ayon kay Jaclyn, “Kung anong ginagawa niya na sa tingin niya masaya siya, go ahead and continue. Live a life. Life is so short and life is so beautiful. Enjoy [it]. Walang problema sa akin yun.”
 
Kaugnay sa mga isyung kinasasangkutan ni Andi, hindi na raw nakikialam si Jaclyn dahil ayaw niya nang maulit ang pag-aaway nilang mag-ina. Naniniwala siya na mayroong karapatang magkamali at matuto ang kaniyang anak.
 
“Wala naman [siyang] image. [She's] only human. She wants to fight, let her fight. Let her be.” -- BRDabu/FRJ, GMA News
Tags: jaclynjose