Filtered By: Showbiz
Showbiz

Former singer Jimboy Salazar passes away


Pumanaw na ang singer at dating miyembro ng That‘s Entertainment na si Jimboy Salazar nitong Biyernes, July 24, dahil sa matagal na nitong karamdaman.

Ayon sa Facebook post ng Startalk, ilalabas ang buong detalye tungkol dito sa episode ng programa sa Sabado, July 25.

Mayroon ding hiwalay na report ang PEP Alert ng Philippine Entertainment Portal nitong Biyernes, tungkol sa pagpanaw ni Jimboy, at sinabing sakit na pneumonia ang kaniyang ikinamatay.


Binawian umano ng buhay ang 42-anyos na si Jimboy sa isang ospital sa San Miguel, Bulacan.

Naging kontrobersiyal si Jimboy dahil sa pakikipagrelasyon niya sa midget comedienne na si Mahal.

Nang maghiwalay sila ni Mahal, kinalaunan ay umamin ni Jimboy na isa siyang homosexual. (Basahin: Jimboy ni Mahal noon, 'Jimgirl' na ni John ngayon).

Nangyari ito noong Marso 2014, nang isiniwalat ni Jimboy na mayroon siyang nobyo na si John Danan, na isang entertainer na galing sa Singapore.

Disyembre naman ng nabanggit ding taon nang ipakilala na ni Jimboy sa publiko si John, at ihayag ang plano nilang pagpapakasal sa Marso 2015.

Pero hindi kasalan ang ibinalita ni Jimboy pagsapit ng Mayo 2015 kung hindi ang balitang paghihiwalay nila ni John.

Dito rin inihayag ni Jimboy ang pagnanais niyang magbago ng buhay at ituwid ang kaniyang pagkakamali.

Inihayag din niya ang hangaring bumuo ng pamilya kung may babae na tatanggap sa pagkatao niya.

Bukod sa pag-awit, nakagawa rin ng ilang pelikula si Jimboy tulad ng Bocaue Pagoda Tragedy (1995) at Patikim ng Piña (1996) na pinagbidahan ni Rossana Roces.

Humingi ng tulong

Nitong nakaraang Sabado, iniulat sa Startalk ang tungkol sa isang mensahe na ipinadala sa FB page ng Startalk na mula sa nagpakilalang kaibigan ni Jimboy na si Beth Santos.



Sa naturang mensahe, humingi ito ng tulong para sa dating mang-aawit dahil malubha na raw ang kalagayan nito at buto't balat na.

"Humihingi po ako ng tulong sa inyong lahat para sa mga pangangailangan ni Jimboy Salazar. Kumakatok po ako sa inyong puso. Buto't balat na ho siya ngayon," nakasaad sa mensahe.
 
Noong nakaraang Mayo, nakapanayam din ng Startalk si Jimboy sa bahay nito sa Pampanga, at inilahad niya na kagagaling lang niya sa ospital matapos magkaroon ng pneumonia.
 
Sa naturang panayam, makikita ang pagbagsak ng katawan niya at paghingal kapag nagsasalita.
 
Pero sa nakaraang panayam ng naturang programa, tumanggi si Jimboy na humarap sa camera pero pumayag siyang makapanayam na lang sa telepono.
 
Ayon kay Jimboy, malabo ang kaniyang mga mata noon at hirap ding maglakad.
 
"Malabo ang mata ko, so nagpapabasa ako. Nagpapalakas pa lang ako hindi pa ako naglalakad," pahayag niya.
 
Sinabi pa ni Jimboy na, "under medication pa ako, pabalik-balik pa ako kasi nga ilang days na ako sa hospital."
 
Nang tanungin kung totoo na buto't balat na siya ngayon, sagot ni Jimboy, "Payat lang po, may laman naman."
 
Hindi pa rin daw batid ni Jimboy kung ano talaga ang sakit na dumapo sa kaniya.
 
"May sinasabi sa akin na kakaiba ang sakit ko. Kasi baka daw may 'bumati' sa akin," aniya.
 
Hindi naman itinanggi ni Jimboy na kailangan niya ng tulong pinansiyal para sa kaniyang pagpapagamot.
 
Dahil ilang beses na rin siyang na-confine, sinabi ni Jimboy na naubos na ang kaniyang naipon noon sa mga pagtatanghal.
 
Sa ngayon, ang mga kamag-anak daw niya ang nagtutulong-tulong para maipagamot siya.
 
Sambit ni Jimboy, "Tito Terry dalawin mo naman ako baka gusto mo akong makita bago ako...hinihingal na naman ako, ganito ang sakit ko." -- FRJ, GMA News
 
LOADING CONTENT