Filtered By: Showbiz
Showbiz

Tiket sa 'Tamang Panahon' ng Eat Bulaga, nagkakaubusan na?


Ilang minuto lang matapos ianunsyo nitong Sabado sa Eat Bulaga na maaari nang mabili ang tiket para sa "Tamang Panahon" episode ng kalyerserye, ilang netizens ang nagsabing nag-crash ang website ng Ticketworld kung saan maaaring mabili ang tiket online.

Sa episode ng kalyeserye nitong Sabado, Oct 17, inanunsyo ni Lola Nidora ang "Tamang Panahon" na regalo niya kina Alden at Yaya Dub kung saan maaari silang muling magkita sa susunod na Sabado, Oct 24.

Pero hindi sina Alden at Yaya Dub ang niregaluhan ni Lola Nidora kung hindi ang buong AlDub Nation.

Inimbitahan niya AlDub Nation na makita-kita sa Philippine Arena sa Bulacan sa Oct. 24 para sa isang makabuluhang layunin-- ang pagpapatayo ng AlDub library sa buong bansa.

Popondohan ang mga itatayong library mula sa kikitain sa tiket na mabibili para makapasok sa Philippine Arena na nagkakahalaga ng P150 hanggang P1,200.00.

Ang naturang layunin ay pagpapakita na hindi lang kilig at dami ng tweets ang kayang ibigay ng AlDub tandem kung hindi ang maghatid din ng makabuluhang programa sa pagkakaisa ng AlDub Nation.

Ilang netizens kaagad ang nag-post ng larawan ng nabili nilang tiket, at mayroon ding nagsabing nag-crash ang website ng Ticketworld.

May mga supporters din ng AlDub tandem ang nagpahayag na hindi makararating dahil nasa malayong lugar tulad ng mga nasa abroad pero nais pa ring magbigay ng tulong sa makabuluhang layunin ng programa.



-- FRJ, GMA News
Tags: kalyeserye