Ilang celebrity, kabilang sa mga nag-audition para sa 'Miss Saigon'
Kabilang ang ilang celebrities sa mga dumagsa sa audition para sa world-renowned musical na "Miss Saigon." Mayroon ding mga nanggaling sa abroad upang subukan ang kanilang kapalaran na makasama sa naturang theatrical play na nagpasikat sa ilang Pinay tulad ni Lea Salonga.
Sa musical play na ito na Miss Saigon nagsimula ang international career ni Lea Salonga bilang Kim, na sinundan nina Monique Wilson, Joanna Ampil at Jamie Rivera.
Noong 2014, napili naman ang Kapuso star na si Rachelle Anne Go, na gumanap sa isa pang sikat na karakter sa Miss Saigon bilang si Gigi.
Ngayong taon, dito sa Pilipinas ginaganap ang auditions para sa upcoming global productions ng Miss Saigon, ayon sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa 24 Oras news nitong Martes.
Payo ni Rachelle sa mga nagnanais na makasama sa Miss Saigon, "Sa lahat ng nangangarap, lagi kong sinasabi na kahit na wala kayong background if you have the passion, you have the heart to perform, do it."
Ayon naman kay Jamie, bukod sa paghahanda sa mahusay na pag-awit, makatutulong din umano sa mag-a-audition na mag-aral din na magsayaw.
Ilan sa mga nag-audition ay mga professional singer at theater artist tulad nina Gerald Santos, Joaquin Valdez at GMA Protege 1st Grand winner na si Krizza Neri, na nabigyan ng call back slip.
Ayon kay Krizza, noong lang isang taon siya nagsimulang lumabas sa treatro at doon niya napagtanto na ito ang landas na nais niyang tahakin.
Nag-audition na rin ang theater actress at producer na si Cris Villonco.
Sa kaniyang Instagram, nag-post si Cris ng larawan na kasama ang producer at creators ng Miss Saigon.
May mga bumiyahe rin mula sa ibang bansa par amag-audition tulad ni Iroy Abesamis na isang Pinoy performer sa Hong Kong Disneyland.
May mga baguhan na nag-audition na nangangarap na masungkit ng role sa Miss Saigon lalo na ang karakter ni Kim. -- FRJ, GMA News