Filtered By: Showbiz
Showbiz

Dating child star na si Bentot Jr., pumanaw na


Sumakabilang-buhay na ang dating child/teen actor na si Luisito Medina, na mas kilala sa showbizness bilang si Bentot Jr. Siya ay 46-anyos.

Si Bentot Jr. ay anak ng dating sikat na komedyante na si Bentot Sr., na kilala noon sa tambalan nila ni Pugo sa "Tang Tarang Tang."

Apat na taong gulang lang si Bentot Jr., nang una siyang mapanood sa pelikulang Tama Na, Erap noong 1974, na pinagbidahan nina Joseph Estrada at Boots Anson-Roa.

Ilang pelikula rin ang nagawa niya kasama ang namayapang action king na si Fernando Poe Jr. sa Panday, at si "Ding" sa "Darna and The Planet Woman" ni Vilma Santos.

Nakamit niya ang Famas Best Child Actor award noong 1980-1981.

Huling pelikula naman niya ang Campus Beat bilang sidekick ni Aga Muhlach noong 1984.

Ayon kay Gng. Rosario, mabait na anak si Bentot at gusto lang niyang maalala rin ng mga kasamahan sa showbiz ang anak.

Naulila ni Bentot Jr., ang kanyang asawa at dalawa anak.

Bilang paglilinaw, bukod kay Luisito ay isa ring dating aktor at komedyante ang nakilala sa showbiz bilang Bentot Jr., o si Nick Medina.

Minsan nang naipalabas ang buhay ni Nick sa "Wish Ko Lang," at tumatak sa mga manonood ang kaniyang role na boses bata. -- FRJ, GMA News

 

 

LOADING CONTENT