Filtered By: Showbiz
Showbiz

Mommy D’s 67th birthday inspired by Miss U Pia Wurtzbach


Ipinagdiwang ni Mommy Dionisia Pacquiao ang kaniyang ika-67 na kaarawan nitong Linggo sa General Santos City kasama ang kaniyang pamilya at mga kaibigan.

Bago ang kaniyang magarbong party, na regalo umano sa kaniya ng anak na si Manny Pacquiao, dumalo muna si Mommy D sa isang misa para sa kaniyang kaarawan at sa kapistahan ni San Isidro Labrador kasama ang kaniyang kasintahan, mga kamag-anak, at mga kapitbahay.

Royal Blue ang napiling motif para sa birthday party niya, na inspired raw ng gown na suot ni Miss Universe 2015 Pia Alonzo Wurtzbach nang manalo siya sa prestihiyosong beauty pageant noong nakaraang taon.

Isang pagdiriwang rin daw ito ng pagkapanalo ni Manny laban sa American boxer na si Timothy Bradley, Jr. nitong Abril, at ang pangunguna niya sa bilangan ng boto sa pagka-senador ngayong Eleksyon 2016.

Aniya sa panayam ng GMA stringer na si Garry Balantay, “Gusto ko 'yang royal blue. Tingnan mo si Pia, nanalo sa Miss Universe. 'Yan ang design ko at motif ko kasi nanalo sa boxing ang anak ko. Nanalo si Manny sa boxing, (pati sa) politika. Nanalo silang lahat.”

Aabot sa 700 ang dumalo sa birthday party ni Mommy D, na naganap sa Family Country Hotel sa General Santos City.

Isa lang raw ang hiling niya para sa kaniyang kaarawan—mahabang buhay upang mas matagal pang makasama ang kaniyang mga anak.

“Sana bigyan pa ako ng maraming taon ng Panginoon. Masayang-masaya ako ngayon dahil pinaabot ako ng 67 years old. Gusto kong makaabot ng 200 years, at sana ay malakas pa rin ang kalusugan ko,” ayon kay Mommy D.

Mensahe naman niya sa kaniyang mga tagahanga, “Sa mga fans ko, kahit na may edad na tayo, kailangan healthy pa tayo. Pray, pray, pray. Importante ang mag-pray.” —Bianca Rose Dabu/KG, GMA News

LOADING CONTENT