Filtered By: Showbiz
Showbiz

Gowns ng mga Sang'gre ng 'Encantadia,' sinaliksik ni Francis Libiran


Dumaan muna sa masusing pananaliksik ang mga gown na ginawa ng batikang designer na si Francis Libiran na gagamitin ng mga Sang'gre sa inaabangang pagbabalik ng "Encantadia 2016"

Sa "Chika Minute" report ni Nelson Canlas sa GMA News 24 Oras nitong Martes, sinabing bukod sa mga fight scene, inaabangan din ng mga manonood sa pagbabalik ng "Encantadia" ang patalbugan sa gown ng mga Sang'gre kapag nasa palasyo.

Dahil level up na ang bagong "Encantadia," pinili ang batikang designer na si Francis Libiran na siyang gumawa ng mga gown bilang costume nina Sang'gre Alena, Amihan, Danaya at Pirena.

"Nasa Youtube ako nang matagal talaga to research on each character. Tapos tiningnan ko yung mga pictures ng girls para talagang ibagay yung designs for them," ayon kay Francis.

Sa costume fitting pa lang, namangha na si Glaiza de Castro na gaganap bilang Pirena.

"Yung costume pa lang nangungusap na," anang aktres. "Nakakatuwa na we're working with a renowned designer."

Para naman kay Kylie Padilla, na gaganap na Amihan, malaking bonus na magiging maganda ang kanilang costume sa harap ng matinding paghahanda nila para sa Encantadia 2016.

Ikinuwento ni Kylie ang kanilang sakripisyo bago pa magsimula ang taping at pinayuhan sila ng direktor na mag-ensayo kung hindi nakasalang sa camera.

Si Sanya Lopez, aminadong may kaba sa pagganap bilang si Danaya.

"Sobrang laking challenge po and nakaka-pressure din. Pero pinipilit ko na hindi dapat, kino-control ko kasi kapag nagkataon baka maapektuhan yung trabaho namin," aniya. -- FRJ, GMA News

LOADING CONTENT