ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
'Instant artista!'

GMA Network introduces first interactive rom-com series 'Usapang Real Love'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Ipalalabas na sa darating na Linggo, September 25, ang “Usapang Real Love,” ang kauna-unahang interactive romantic-comedy series ng GMA Network.

Tampok sa nasabing programa ang mga kuwento ng pag-ibig sa makabagong panahon, kung saan bibida ang ilang Kapuso love teams, at maaari ding makasama ang kanilang mga tagahanga.

Ayon sa direktor na si Real Florida, mangunguna sa unang mini-series na “Dream Date,” na kahit sino umano ay puwedeng ma-cast sa series.

"Gagamitin namin ang impluwensya at power ng social media since ang mga Pilipino naman ngayon lagi nang online,” aniya.

“Milyon-milyon ang online ngayon, that's why we decided to fuse the power of social media para makapagkuwento tayo nang bago. It's the first on Philippine TV through GMA Network,” dagdag pa niya.

Maliban sa mga kabataan na aktibong-aktibo sa social media, maaari ding maging bahagi ng programa ang mga nakatatanda.

Ma-e-enjoy umano ng lahat ang mga kuwentong mapapanood sa “Usapang Real Love” dahil maliban sa kuwentong pag-ibig, magiging bahagi rin nito ang makulay na kuwento ng pamilyang Pilipino.

Paliwanag ni Direk Real, “Open siya sa lahat. Sa bawat kuwento, naghahanap ng iba't ibang klaseng karakter—mula bata hanggang matatanda. Mayroong iba't ibang paraan para ma-invite 'yung mga nanay, tatay, lolo, lola na makasali rin. Across all ages ito. Lahat ay puwedeng sumali.”

“'Yung stories na ilalabas namin, na-consider ang richness ng kuwentong pamilya. Mayroon laging reason to watch dahil they can look forward to, for example, relationship ng bida sa parents nila. Never namin iko-compromise ang kuwento ng pamilya para the audience has something more to look forward to,” patuloy niya.

Alamin kung paano magiging bahagi ng programa sa pamamagitan ng pagsilip sa kanilang social media accounts na “Usapang Real Love”.

“Dream Date” with BiGuel

Bibida ang Kapuso teen stars na sina Bianca Umali at Miguel Tanfelix sa unang mini-series ng programa na pinamagatang “Dream Date.”

Maliban sa solid Kapuso loveteam, makakasama rin dito ang Kapuso actor na si Jak Roberto, ang unang ka-love triangle ng BiGuel love team.

“Hindi maaalis ang pressure, but then, whenever we work, hindi namin fino-focus ang sarili namin sa pressure. I personally make it a point na I enjoy what I'm doing and I do my best. Very thankful kami dahil kami ang pinagkatiwalaan na maging first episode ng URL,” ayon kay Bianca.

Dagdag naman ni Jak, “Nakaka-excite na nakakakaba. Pero confident kami na maganda ang episode na ito. We are hoping for the best.”

“Bihira ang nabibigyan ng ganitong tiwala, so we're very thankful and blessed na ganito kami kamahal at inaalagaan ng GMA. Ginawa namin ang best namin para maging successful ito. Sana magustuhan nila. Nag-enjoy kami. Sana mag-enjoy rin sila,” pahayag naman ni Miguel.

Kabilang din sa “Dream Date” simula ngayong September 25 sina Yayo Aguila, Lloyd Samaritano, Jade Lopez, Ces Quesada, at Gene Padilla.

 

 

Susunod na kuwento sa “Usapang Real Love” ang mini-series na “Perfect Fit,” kung saan magtatambal naman sa kauna-unahang pagkakataon sina Andre Paras at Mikee Quintos.

Kasama rin dito sina William Lorenzo, Mickey Ferriols, Arra San Agustin, Jay Arcilla, Vince Gamad, at Bern Joseph “Bekimon” Persia. -- FRJ, GMA News