ADVERTISEMENT

Showbiz

'MILLENNIAL LOLA'

Gloria Romero sa kaniyang role sa 'Meant To Be': 'Ako ang pinakamatandang bagets'

By Bianca Rose Dabu, GMA News

Kakaibang role ang gagampanan ng batikang aktres na si Gloria Romero sa star-studded cast ng pinakabagong GMA Primetime series na “Meant To Be,” na pagbibidahan ni Barbie Forteza.

Sa ginanap na press conference kamakailan, inihayag ni Ms. Gloria na isang panibagong hamon sa kaniya bilang artista ang pagbibigay-buhay sa role bilang “millennial lola” na si Madj.

Maliban sa mga payong pag-ibig, kagigiliwan rin ng mga manonood si Lola Madj dahil sa iba't ibang “millennial terms” na madalas nitong gagamitin.

“Ako'y masaya at maligaya dahil nabigyan na naman ako ng isang magandang role. Cool na cool ako sa role ko dito. Medyo nahirapan ako na kaunti dahil iba ang dialogue ko dito, pero dahil sa napakagaling ng aming direktor—siya ang guide namin—kayang-kaya,” aniya.

Pabiro pang sabi ng batikang aktres, “Ako ang pinakamatandang bagets.”

 

 

Maliban sa kakaibang role, masaya rin siyang makakatrabaho ang ilan sa mga artistang naging malapit na sa kaniya sa loob ng ilang dekada niya sa showbiz, tulad ng “Triplets” na sina Manilyn Reynes, Sheryl Cruz, at Tina Paner.

ADVERTISEMENT

“I'm happy na makakasama ko rin ang Triplets after so many years. Mga bagets pa sila noong una ko silang nakasama, kaya noong nagkita-kita kami, walang katapusang kuwento,” ayon kay Ms. Gloria.

Nasasabik na rin siyang makatrabaho ang mga kabataan bibida sa programa, kabilang ang apat na leading men na sina Ken Chan, Jak Roberto, Ivan Dorschner, at Addy Raj.

Ayon sa aktres, “It's a joy working with them. Sila ay magagalang at guwapo pa, at nagulat ako dahil ang gagaling pang magsalita ng Tagalog! Proud talaga ako sa kanila. Magagaling silang lahat.”

 

 

Kasama rin sa mga magbibigay-buhay sa “Meant To Be” ay sina Mika Dela Cruz, Keempee de Leon, Sef Cadayona, Stephanie Sol, Zymic Jaranilla, at marami pang iba.

Mapapanood na ang nasabing programa sa GMA Primetime simula sa darating na Lunes, January 9, pagkatapos ng "Alyas Robin Hood." -- FRJ, GMA News