Sino ang tatlong male celebrity na crush ni Sinon 'Rogelia' Loresca?
Unti-unti nang nagbubunga ang pagsisikap ng machong bading at model-turned-actor na si Sinon ‘Rogelia’ Loresca na makagawa ng pangalan sa showbiz. Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), inihayag ni Sinon ang tatlong aktor na crush niya.
READ: Alamin kung bakit isa na lang ang kidney ni Sinon 'Rogelia' Loresca?
Sa artikulong isinulat ni Rommel Gonzales sa PEP nitong Huwebes, sinabing una sa listahan ng kaniyang mga crush ang gumanap na "Machete" sa telebisyon na si Aljur Abrenica.
Paliwanag niya, madalas niyang makita noon ang mga sexy billboard ni Aljur nang nagbakasyon siya sa Pilipinas.
Bago nakilala sa kalyeserye ng "Eat Bulaga" bilang karakter na si "Rogelia," dating nakabase sa London si Sinon.
Kasama rin sa listahan ni Sinon bilang celebrity crush ang aktor na si Piolo Pascual, at ang Pambansang Bae na si Alden Richards.
Nang tanungin kung ano ang nagustuhan niya kay Piolo, tugon ni Sinon; "Lahat—mukha, katawan, magaling na artista, magaling umakting sa kamera, mabait.”
Tungkol naman kay Alden na nakasama niya sa kalyeserye ng Eat Bulaga, inilarawan niya ang aktor na, “Napakabait, sobra! Napaka-sincere, guwapo.”
Idinagdag din ni Sinon na alam at sinasabi niya mismo kay Alden na crush niya ito.
“Pero crush na tipong parang kapatid. May respeto, walang pagnanasa," paliwanag ni Sinon.
Matutunghayan ang kuwento ng buhay ni Sinon sa drama anthology na Magpakailanman sa Sabado, March 4.
Gagampanan mismo ni Sinon ang kaniyang buhay na pinamagatang “Ang Rampa Ng Buhay Ko,” kung saan ilalahad niya ang mga hirap na pinagdanan sa buhay at kung papaano niya ito nalampansan.
Kasama rin siya sa Kapuso series na "Impostora," na pagbibidahan ni Kris Bernal. -- FRJ, GMA News